Lumaktaw sa nilalaman
Linggo, 18 Oktubre 2026 18 Okt 2026
TBSTNews OnlineTotoong Balita sa Southern Tagalog
Ito ang Totoo! www.totoongbalita.com
Swertres 5-9-8
National

Pamilya, sinimulan nang iuwi ang mga labi ng mga nasawi sa MV June Aster

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), 38 bangkay ang hinukay mula sa pansamantalang libingan at sinimulan nang iuwi sa kani-kanilang mga bayan.

Madamdamin ang tagpo sa Coron Port sa Palawan habang isa-isang iniuuwi ng kanilang pamilya ang mga nakilana nang nasawi sa MV June Aster mahigpit isang buwan matapos ang trahedya.PHILIPPINE COAST GUARD
I-share

CORON, Palawan — Madamdamin ang tagpo sa pantalan ng Coron habang isa-isang isinasakay sa mga barko ang mga selyadong kahon na naglalaman ng mga labi ng mga biktima ng nasunog na pampasaherong barko na MV June Aster.

Mahigit isang buwan matapos ang trahedya, unti-unti nang naiuuwi ng mga pamilya ang kanilang mga mahal sa buhay, matapos makumpirma ang pagkakakilanlan ng mga ito sa pamamagitan ng DNA testing na isinagawa ng Philippine National Police (PNP) Forensic Group.

Mula sa pansamantalang libingan sa San Nicolas Public Cemetery, hinukay ang mga labi upang maibalik sa kanilang mga pamilya at mabigyan ng maayos na huling hantungan.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), 38 bangkay ang hinukay mula sa pansamantalang libingan at sinimulan nang iuwi sa kani-kanilang mga bayan.

Sakay ng barko na BRP SULUAN ng PCG, ibiniyahe na sa El Nido mula sa Coron ang 10 nakilalang mga labi ng mga nasawi sa MV June Aster.PHILIPPINE COAST GUARD

Sa tala ng PCG, 26 na labi na ang naipagkaloob na ng lokal na pamahalaan ng Coron sa mga pamilya ng mga nasawi. Dalawa ang iniuwi sa Coron, apat sa Busuanga, isa sa Culion, dalawa sa Linapacan, pito sa Puerto Princesa City at 10 sa El Nido.

Sakay ng barko ng Coast Guard na BRP Suluan isinakay ang 10 labi na iuuwi sa El Nido. Dumaong ang barko sa San Fernando port, kasama ang mga labi, 20 kapamilya ng mga nasawi at mga tauhan ng Coast Guard.

Inaasahan namang ibibiyahe ngayong Linggo ang 11 pang labi, na inaasahang darating sa Maynila sa Lunes.

Isa pang bangkay ang nananatili sa 5R Funeral Home sa Coron.

Sa kabuuan, 67 sa 71 bangkay na inilibing sa pansamantalang libingan ang nakilala na ng mga awtoridad.

Nasunog ang MV June Aster noong Setyembre 9, 2026, na ikinasawi ng 77 katao. Sa mga nasawi, 71 ang lubhang nasunog ang mga katawan kaya hindi agad nakilala at kinailangang sumailalim sa proseso ng pagkakakilanlan.

Habang unti-unti nang naibabalik sa kanilang mga pamilya ang mga labi ng mga nakilalang biktima, walo pang sakay ng barko ang nananatiling nawawala.

Kaugnay na Balita