MALVAR, Batangas – Malapit nang matapos, pero biglang natupok sa sunog ang apat na palapag na gusaling itinatayo para sa isang pagawaan ng ice cream sa Barangay Bulihan, Malvar, Batangas nitong Linggo ng hapon.
Tinatayang aabot sa ₱111 milyon ang halaga ng pinsala sa gusali ng Degic Foods Corporation matapos itong lamunin ng apoy at balutin ng makapal at maitim na usok.
Bandang alas-kuwatro ng hapon nang sumiklab ang sunog.

Ayon kay Jomar Dasigan, assistant welder sa proyekto, katatapos lamang nila sa trabaho nang mapansin niya ang makapal na usok na nagmumula sa itaas ng gusali.
Agad siyang tumakbo sa kanilang barracks upang balaan ang mga kasamahan na may sunog.
“Nausok siya tapos may sumabog tapos yun na kumalat na yun usok papunta sa amin sa barracks kaya takbo kami dito papunta diyan sa isang gate kasi hindi na namin kaya maano na sa dibdib,” sabi ni Dasigan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP), sa ikalawang palapag ng gusali nagsimula ang apoy.
Pero ayon kay FSInsp. Santee Espares Jr., municipal fire marshal ng BFP Malvar, hindi pa matukoy ang sanhi ng sunog.
Tanging una at ikalawang palapag lamang ang natupok, habang hindi naapektuhan ang basement at roof deck ng gusali.
Nahirapan naman ang mga bombero na makapasok sa loob upang apulahin ang apoy dahil sa kapal ng maitim na usok na halos wala na silang makita.
“ito po ay isang ginagawang cold storage facility para po doon sa gagawin nga nilang product. Ngayon po, lalo na po yung mga panel na made of polystyrene board, ay yung mga foaming agent para ma-secure po yung cold storage nila, ay yun po ang nag-cause ng maitim na usok po,” sabi ni Espares.
Rumesponde sa insidente ang mga bombero mula sa iba’t ibang lugar sa Batangas, kasama ang mga fire truck ng mga industrial park at fire volunteer mula Laguna.
Dakong alas-8:22 ng gabi nang ideklarang fire out ang sunog, makalipas ang mahigit apat na oras na operasyon.
Walang naiulat na nasaktan sa insidente.
Wala pang inilalabas na pahayag ang Degic Foods Corporation kaugnay ng sunog sa kanilang itinatayong pasilidad.