STO. TOMAS CITY, Batangas — Apat na persons of interest ang tinututukan ng mga awtoridad sa pagpatay kay Dennis Austria, chairman ng Barangay Sta. Anastacia sa Sto. Tomas City, Batangas.
Ayon kay PLtCol Philip Aguilar, tagapagsalita ng Special Investigation Task Group Austria, kabilang sa mga iniimbestigahan ang isang indibidwal na nakaalitan ng biktima sa usapin sa lupa na nauwi sa demanda.
Ayon kay Aguilar, nagbanta rin umano sa buhay ni Austria ang nasabing person of interest.
May hawak na ring kopya ng closed-circuit television o CCTV footage ang mga imbestigador kung saan makikita rito ang isang all-purpose vehicle o APV n malapit sa My Homes Subdivision isang gabi bago ang pamamaril.
Sa kuha ng CCTV, makikitang ibinaba mula sa sasakyan ang motorsiklong umano’y ginamit ng mga suspek sa pagtakas matapos ang krimen.
Nakaalarma na sa mga awtoridad ang plaka ng naturang sasakyan habang nakikipag-ugnayan na rin ang SITG Austria sa Land Transportation Office o LTO para matukoy ang may-ari nito.
Huwebes ng umaga nang pagbabarilin si Austria habang nagwawalis sa gate ng kanilang bahay sa My Homes Subdivision, Barangay Sta. Anastacia.
Nag-alok naman si Sto. Tomas City Mayor Arth Jhun Marasigan ng P200,000 pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyong makatutulong sa pagkakakilanlan at pagkakaaresto sa mga nasa likod ng pagpatay.