BATANGAS CITY – Puspusan na ang ginagawang paghahanda ng lokal na pamahalaan ng Batangas City sa posibleng maging epekto ng El Niño.
Pinulong na ni Mayor Marvey Mariño ang El Niño Task Force at inatasan na mag-update ng mga action plan upang matiyak ang kahandaan lalo na sa posibleng epekto nito sa suplay ng tubig , agrikultura, paghahayupan, kapaligiran at kalusugan ng mga residente.
Sinabi naman ni Rod Dela Roca, Chief ng Batangas City Disaster Risk Reduction and Management Office na wala pang epekto ang El Niño sa ngayon sa agrikultura pero inabisuhan na ang mga magsasaka na planuhin ng mabuti ang kanilang pagtatanim.
“ang bilin po ng ating City Agriculturist, mas bilisan ang pag-aani, bilisan ang paghahanda sa mga bukirin, lalong-lalo na po yung mga magtatanim ng mais para makaabot sa tag-ulan kasi pagdating naman po ng January, ito naman po ay pupuwede nang anihin pagkaraan ng apat na buwan” sabi ni Dela Roca.

Wala pa rin epekto ang El Niño sa suplay ng tubig sa Batangas City pero pinayuhan ang mga residente na mag-ipon ng tubig.
Paminsan-minsan ay nararanasan pa rin ang mahinang pag-ulan sa Batangas City.