CALAUAN, Laguna — Isinusulong ng lokal na pamahalaan ng Calauan ang pagpapatupad ng carbon credit program na layong pangalagaan ang kalikasan at posibleng makalikom ng karagdagang pondo para sa mga proyektong pangkapaligiran at pangkaunlaran ng komunidad.
Ayon kay Calauan Mayor Roseller “Osel” Caratihan, apat na buwan nang pinag-aaralan at tinatalakay ng lokal na pamahalaan ang panukala, kabilang ang pagsasagawa ng mga pampublikong pagdinig at deliberasyon sa Sangguniang Bayan.

Nasa ikalawang pagbasa na ang panukala, habang inaasahang maglalabas ng kaukulang resolusyon ang konseho sa susunod na linggo upang maisulong ang susunod na hakbang sa pagpapatupad nito.
Ang carbon credit ay katumbas ng isang tonelada ng carbon dioxide equivalent na nabawas o naalis sa atmospera sa pamamagitan ng mga proyektong nakatutulong sa pangangalaga ng kapaligiran.
Maaaring makalikha ng carbon credit ang mga proyektong naglalayong magpanumbalik at magprotekta sa kagubatan, magtanim at mag-alaga ng mga puno, mapabuti ang pamamahala ng basura, at mabawasan ang polusyon na nagdudulot ng climate change.
Maaaring ibenta o ipagpalit ang mga carbon credit sa mga kumpanyang nais suportahan o isaalang-alang ang pagbabawas ng greenhouse gas emissions, basta’t nasusukat at napatutunayan ang aktuwal na pakinabang ng mga proyekto sa kalikasan.
Sa ganitong paraan, posibleng magkaroon ng karagdagang mapagkukunan ng pondo ang Calauan para sa mga programang pangkalikasan at mga proyektong direktang makatutulong sa mga residente.
Kabilang sa mga posibleng benepisyo ang pagpapanumbalik ng mga luntiang lugar, pangangalaga sa likas na yaman, pagpapabuti ng sistema ng pamamahala ng basura, at paglikha ng kabuhayan para sa mga residenteng lalahok sa mga programang pangkalikasan.
Gayunman, nakadepende ang posibleng kita sa uri ng proyekto, pagsunod sa mga itinakdang pamantayan, pagpapatunay sa resulta nito, at pagkakaroon ng mga bibili ng carbon credit.
Mahalaga rin ang malinaw at tapat na pamamahala sa anumang kikitain mula rito, kabilang ang pagtukoy kung paano gagamitin ang pondo at kung sinu-sino ang makikinabang, gayundin ang pagprotekta sa karapatan at kabuhayan ng mga residenteng maaapektuhan ng mga proyekto.
Samantala, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Oktubre 13, 2026 ang Executive Order No. 127 na nag-uutos sa pagbuo ng Philippine Carbon Market Policy Framework.
Sa ilalim nito, bubuuin ang isang inter-agency committee na mangangasiwa sa mga usapin ng carbon market, habang itatalaga ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) bilang pambansang awtoridad para rito.
Inaasahang magbibigay ang pambansang balangkas ng mga alituntunin sa pagpili ng mga proyekto, pagsubaybay sa resulta, pag-uulat, at patas na pamamahagi ng mga benepisyo.
Sa Calauan, nakasalalay ngayon sa susunod na hakbang ng Sangguniang Bayan ang pagsulong ng panukala.
Kung maipatutupad nang maayos at malinaw, maaaring maging karagdagang paraan ang carbon credit program upang mapangalagaan ang kalikasan habang naghahanap ng mga bagong mapagkukunan ng pondo para sa pangangailangan ng komunidad at pangmatagalang pag-unlad ng bayan.