Lumaktaw sa nilalaman
Biyernes, 16 Oktubre 2026 16 Okt 2026
TBSTNews OnlineTotoong Balita sa Southern Tagalog
Ito ang Totoo! www.totoongbalita.com
Swertres 5-9-8
National

Mga kaso laban sa may-ari, tripulante ng nasunog na MV June Aster, pinag-aaralan

Pinag-aaralan ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga tripulante, may-ari ng MV June Aster, at mga opisyal ng gobyerno kaugnay ng sunog noong Setyembre 9 na ikinasawi ng 77 katao.

Ang MV June Aster na nasunog sa Coron, Palawan na ikinasawi ng 77 sakay nito.PHOTO/PHILIPPINE COAST GUARD
I-share

CALAPAN CITY, Oriental Mindoro – Pinag-aaralan ng mga awtoridad ang pagsasampa ng mga kasong kriminal laban sa mga tripulante at may-ari ng MV June Aster, gayundin sa mga cargo handler at posibleng sangkot na tauhan ng gobyerno, kaugnay ng sunog sa barko noong Setyembre 9 na ikinasawi ng 77 katao.

Sa Palace press briefing nitong Biyernes, Oct. 16, sinabi ni Fire Chief Superintendent Wilberto Rico Neil Ang Kwan Tiu na maaaring maharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide ang mga mapatutunayang responsable sa insidente.

Maaari ring managot sa ilalim ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang mga tauhan ng gobyerno kung mapatutunayang nabigo silang gampanan ang kanilang mga tungkulin.

Kabilang sa mga posibleng kasuhan ang kapitan ng barko, chief mate, dalawang able-bodied seaman, second mate at safety officer. Maaari ring panagutin ang may-ari at mga opisyal ng barko, gayundin ang kontratistang responsable sa pagkakarga ng mga kargamento.

Ayon kay Kwan Tiu, patuloy na iniimbestigahan ang posibleng mga paglabag sa pagkakarga at pagdedeklara ng mga mapanganib na materyales, kabilang ang aspalto at calcium hypochlorite, isang kemikal na karaniwang ginagamit sa mga swimming pool bilang disinfectant.

Iniimbestigahan din kung nakaapekto sa pagsiklab ng sunog ang pagkakalagay ng mga kemikal malapit sa exhaust ng makina ng barko, kung saan maaaring nalantad ang mga ito sa init. Posible ring nagalaw ang mga kargamento dahil sa maalong karagatan, na maaaring nagdulot ng paghahalo ng mga kemikal.

Sinabi rin ni Kwan Tiu na maaaring ituring na nagpapabigat sa pananagutan ng mga sangkot ang sobrang dami ng mga kemikal na ikinarga sa barko.

Nakikipag-ugnayan ang mga imbestigador sa Philippine Coast Guard at Maritime Industry Authority upang matukoy kung bakit pinayagang bumiyahe ang barko sa kabila ng naiulat na problemang mekanikal na naging dahilan ng apat na araw na pagkaantala ng pag-alis nito.

Sinusuri rin kung nagkaroon ng pagkukulang sa inspeksyon ng barko at sa pagtiyak na ligtas at maayos ang pagkakakarga ng mga materyales bago ito umalis sa pantalan.

Ang MV June Aster ay isang passenger roll-on/roll-off vessel na bumibiyahe mula Batangas patungong Coron, Palawan. Bukod sa 77 nasawi, 43 katao ang nasugatan at walo pa ang nawawala matapos ang insidente.

Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang mga posibleng pananagutan sa trahedya.

Kaugnay na Balita