ORIENTAL MINDORO – Tinanghal na Outstanding LGU Performer ang bayan ng Pola, Oriental Mindoro, sa 2026 SubayBayani Awards ng Department of the Interior and Local Government (DILG) MIMAROPA na ginanap kagabi.
Ayon kay Pola Mayor Jennifer Cruz, kinikilala sa parangal ang mahusay na pagpapatupad ng mga lokal na proyektong pang-imprastraktura, gayundin ang pagsusulong ng transparent, accountable at evidence-based na pamamahala sa lokal na pamahalaan.
Nagpasalamat naman si Cruz sa DILG sa pagkakapili sa Pola bilang isa sa mga kinilalang bayan mula sa 71 munisipalidad sa buong MIMAROPA Region.
Pinasalamatan din ng alkalde ang mga mamamayan ng Pola sa patuloy na pagtitiwala at suporta sa lokal na pamahalaan, gayundin ang mga departamento ng munisipyo na katuwang sa pagpapatupad ng mga proyekto.
Partikular na kinilala ni Cruz ang ambag ni Engr. Nathaniel Marte, na nangunguna sa pagpapatupad ng mga lokal na proyektong pang-imprastraktura ng bayan.