PAGSANJAN, Laguna – Isang 67-anyos na lola ang natagpuang patay matapos maapula ang sunog na tumupok sa kaniyang sari-sari store sa Barangay Magdapio, Pagsanjan, Laguna, Biyernes ng madaling araw. Pero sinadya umano ang sunog upang ikubli ang krimen.
Nagising na lamang ang mga residente sa malaking apoy na tumutupok sa tindahan kaya nagtulong-tulong sila upang maapula ito.
Akala ng kaniyang pamilya ay nakalabas na si Divina Minaya dahil bukas ang pinto ng tindahan, pero laking gulat nila nang malaman na nasa loob pa pala ang biktima.
“Tapos po noong medyo mapula na po, sabi nila sa Lola nasa loob pa daw po. Then pagpasok po binuhusan ko agad ’yong katawan ni Lola kasi umuusok pa po talaga eh,” sabi ni Mico Minaya, apo ng biktima.
Nakita ang sunog na katawan ng biktima na nakahiga sa kaniyang kama.

Mag-isa lamang ang biktima sa kaniyang tindahang bukas nang 24 oras.
Pero naghinala ang pamilya ng biktima kaya ipinai-autopsy nila ang bangkay. Lumabas sa pagsusuri na may saksak siya sa leeg.
Dito na nagsagawa ng mas malalimang imbestigasyon ang mga awtoridad.
“Agad tayong nakipag-ugnayan sa medico-legal officer na nagsagawa ng autopsy at kinumpirma niya na may saksak sa leeg si Nanay. Sinabi rin niya na iyon talaga ang dahilan ng kaniyang pagkamatay at hindi ang sunog. Dahil dito, agad tayong nagsagawa ng full-blown investigation,” sabi ni PMaj. Gerald Balansi, hepe ng Pagsanjan Police.
Sa pagrepaso sa CCTV footage, makikita ang 24-anyos nilang kamag-anak na si alyas Enzo habang kausap ang biktima sa tindahan.
Bahagyang nagtatalo ang dalawa habang hawak ng biktima ang isang notebook na posibleng naglalaman ng listahan ng mga pautang.
Hawak din ng lalaki ang isang maliit na itak at paminsan-minsan ay umiinom ng alak.
Hindi na nakunan ng CCTV ang mismong krimen dahil pinutol umano ng suspek ang mga kable ng camera.
Pero sa kuha ng CCTV ng barangay, makikita ang lalaki na umalis sa tindahan. Ilang sandali lamang ang lumipas bago sumiklab ang sunog.
Agad na itinuring na suspek ang lalaki, na malapit na kamag-anak din ng pamilya ng biktima.
Sa follow-up operation ng mga awtoridad, sumuko ang suspek at inamin ang krimen.
Ayon kay alyas Enzo, nag-blackout umano ang kaniyang paningin dahil sa sobrang kalasingan.
Pumunta umano siya sa tindahan upang magpakuwenta ng kaniyang utang na aabot sa mahigit tatlong libong piso.
Hindi rin niya maipaliwanag kung bakit niya napatay ang biktima, na itinuturing niyang lola.
Mistula umanong white lady ang tingin niya sa biktima.
“Basta parang natusok ko siya sa leeg talaga, tapos tumumba. Sorry, sorry po sa lahat ng nangyari. Di ko rin akalain na magagawa ko ’yan sa lola ko,” sabi ni Enzo.
Ayon pa sa suspek, hinugasan niya ang patalim sa tindahan gamit ang gin. Pero itinanggi niyang sinadya niya ang pagsunog sa tindahan upang ikubli ang krimen.
“May pinutol ako na wire para mamatay lahat ng ilaw. Yung wire, nakalapat lang sa patay. Naghugas ako ng itak doon mismo sa katawan niya. Gin ang ginamit ko panghugas sa kamay. Tapos noong umalis ako doon, hindi ko alam na didiklap pala ang katalan,” sabi pa ng suspek.
Narekober ng mga pulis ang itak na ginamit sa krimen. Itinago umano ito ng suspek sa bubong ng kanilang bahay.
“Sana hindi na sinunog kasi hindi namin matanggap eh, pero gusto po namin talaga yung hustisya, hustisya po para kay Nanay,” sabi ni Cindy Minaya, anak ng biktima.
Kasong murder ang isasampa sa suspek, bukod pa sa posibleng kasong arson.