BATANGAS CITY – Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang seremonya ng unang pagdaloy ng natural gas mula sa Malampaya Phase 4 Project sa Malampaya Onshore Gas Plant sa Barangay Tabangao Ambulong, Batangas City, noong Nobyembre 5.

Layunin ng proyekto na madagdagan ang lokal na suplay ng natural gas at mabawasan ang pagdepende ng bansa sa inaangkat na enerhiya mula sa ibang bansa.
Ayon kay Department of Energy Undersecretary Giovanni Bacordo, inaasahang madaragdagan ng 22 billion cubic feet ang natural gas reserves ng Pilipinas dahil sa proyekto.
Inaasahan ding makatutulong ito sa pagpapababa ng presyo ng kuryente, partikular sa Luzon.
Ipinaliwanag ni Bacordo na 60 porsiyento ng suplay ng natural gas ng bansa ay nagmumula sa inaangkat mula sa ibang bansa, habang 40 porsiyento lamang ang lokal na produksyon.

Sa pamamagitan ng Malampaya Phase 4, inaasahang mas mapalalakas ang paggamit ng sariling likas na yaman ng bansa at mababawasan ang epekto ng krisis sa enerhiya sa buong mundo.
Ayon naman kay Pangulong Marcos, ang mga bagong balon na binutasan para sa proyekto ay inaasahang magpapahaba nang anim na taon sa operasyon ng Malampaya gas field.
Makakatulong ito upang masiguro ang tuloy-tuloy na suplay ng kuryente sa Luzon.
Nagpasalamat naman si Batangas City Mayor Marvey Mariño sa Pangulo sa pagpapatuloy ng proyekto.

Ayon kay Mariño, malaking oportunidad ito para sa Batangas City dahil hindi lamang ang lungsod kundi ang buong bansa ang makikinabang sa operasyon ng pasilidad.
Tiniyak din ng alkalde na ligtas ang operasyon ng planta at sumusunod ito sa mga batas at regulasyon ng pamahalaang lungsod.
Dagdag pa niya, isa ang Malampaya sa anim na gas-fired power plants na matatagpuan sa Batangas City.
Inaasahan niyang makatutulong ang proyekto sa pagpapalago ng ekonomiya ng lungsod at paglikha ng mas maraming trabaho para sa mga residente.