LAGUNA – Sinimulan na ng Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna ang programang Pandesol, na naglalayong magbigay ng libreng almusal sa mga mag-aaral at guro sa iba’t ibang paaralan sa lalawigan.
Inilunsad ang programa sa inisyatibo ni Governor Sol Aragones nitong Biyernes, Nobyembre 6, at unang binisita ang San Pedro Central Elementary School sa San Pedro City; Malinta Elementary School at Bambang Elementary School sa Los Baños; Dayap Elementary School sa Calauan; at Siniloan Elementary School at Siniloan Integrated National High School sa Siniloan.
Ayon kay Aragones, mahalagang may laman ang tiyan ng mga mag-aaral bago magsimula ang kanilang klase upang mas maging handa at makapagpokus sila sa kanilang pag-aaral.
Sa ilalim ng programa, mamamahagi ng libreng pandesal na may kasamang palaman sa mga estudyante at maging sa kanilang mga guro.
Target ng pamahalaang panlalawigan na mapalawak pa ang programa upang maabot ang halos lahat ng paaralan sa Laguna, anuman ang laki nito o dami ng mga mag-aaral.
Nagpasalamat naman ang mga estudyante, guro at magulang sa nasabing inisyatibo dahil malaking tulong umano ito upang makatipid sa baon at matiyak na nakakakain ng almusal ang mga bata bago pumasok sa klase.
Ayon sa isang magulang, mas nakapag-aaral at nakapagtutuon ng pansin sa kanilang mga gawain ang mga bata kapag hindi na nila iniinda ang gutom sa loob ng silid-aralan.