CALAPAN CITY – Natagpuang patay ang isang 20-anyos na babaeng nursing student sa isang bakanteng lote sa gilid ng madilim na bahagi ng barangay road sa Barangay Sapul, Calapan City, Oriental Mindoro, Sabado ng madaling araw.
Ayon kay PCOL Efraim Camara, provincial director ng Oriental Mindoro Police, dakong 1:15 ng madaling araw nang matagpuan ang bangkay ng biktima na estudyante ng St. Anthony College.
May sugat ito sa dibdib at nakababa ang suot na pang-ibabang damit, na nagbigay sa mga awtoridad ng posibilidad na ginahasa ang biktima.
“Doon po sa nakita nakababa po ang lower garments niya so may possibility pero still waiting pa rin po sa final results ng forensic team,” sabi ni Camara.
“Mayroon po nakita na visible na visible wound sa chest niya pero inaalam pa natin kung gaano kalalim,” dagdag pa niya.
Kinilala na ng pamilya ang biktima na residente ng Bongabong, Oriental Mindoro.
Bumuo na ng special investigation team ang Calapan City Police Station upang magsagawa ng masusing imbestigasyon, matukoy ang mga nasa likod ng krimen at maaresto ang mga ito.
Walang CCTV camera sa mismong lugar kung saan natagpuan ang biktima, pero nagsasagawa na ng backtracking sa mga CCTV footage sa mga kalapit na lugar ang mga awtoridad upang matukoy ang mga huling galaw ng biktima at posibleng matunton ang mga suspek.