CALAPAN City – Nag-alok ng P100,000 pabuya si Bongabong, Oriental Mindoro Mayor Mike Malaluan sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na magtuturo sa pagkakaaresto sa suspek sa pagpatay sa isang 20-anyos na babaeng nursing student sa Calapan City.
Residente ng Barangay Labonan sa Bongabong ang biktima at third-year nursing student ng St. Anthony College.
Kinondena ni Malaluan ang karumal-dumal na krimen at nangakong tutulong upang makamit ng pamilya ng biktima ang hustisya.
“Sobrang karumaldumal po. Hindi ko po kayang palampasin na hindi mabigyan ng hustisya yung pamilya,” ani Malaluan.
Bumuo na ang Calapan City Police Station ng Special Investigation Task Group (SITG) na tututok sa imbestigasyon at paglutas sa kaso.
Ayon kay Oriental Mindoro Police Provincial Director PCol. Efraim Camara, nagpapatuloy ang follow-up operations matapos ang isinagawang case conference sa Calapan City kung saan nagbigay na rin ng karagdagang direktiba sa mga imbestigador at intelligence operatives.
“Sa ngayon, sir, still ongoing pa yung follow-up operation. Kanina po ay katatapos lang ng case conference sa Calapan City at may mga tasking na rin po tayong ibinigay para sa follow-up ng ating investigation and intelligence operatives,” ani Camara.
Sinabi rin ni Camara na madilim at masukal ang lugar kung saan natagpuan ang biktima, at kakaunti lamang ang mga ilaw sa kalsada.
Natagpuan ang bangkay ng dalaga dakong alas-1:15 ng madaling-araw nitong Sabado sa isang madilim at masukal na bahagi ng barangay road sa Barangay Sapul, Calapan City.
Ayon sa mga awtoridad, nagtamo ang biktima ng malubhang sugat sa dibdib. Mayroon ding mga indikasyon na posibleng ginahasa ito.
Samantala, kinondena rin ng St. Anthony College ang pagpatay sa kanilang estudyante at nanawagan ng hustisya para sa biktima at sa kanyang pamilya.