Lumaktaw sa nilalaman
Huwebes, 29 Oktubre 2026 29 Okt 2026
TBSTNews OnlineTotoong Balita sa Southern Tagalog
Ito ang Totoo! www.totoongbalita.com
Swertres 7-7-4
National

Coast Guard, pinaigting ang inspeksyon sa mga barko sa Batangas Port ngayon Undas

Layunin nitong maiwasan ang sobrang pagsasakay ng pasahero, matukoy ang mga kakulangan sa kagamitang pangkaligtasan at matiyak na ligtas bumiyahe ang mga sasakyang pandagat.

Sa ilalim ng Oplan Byaheng Ayos: Undas 2026, nagsasagawa ang Coast Guard Station Batangas at mga nakasasakop nitong yunit ng masusing Pre-Departure Inspection (PDI)coast guard station batangas
I-share

BATANGAS City –  Pinaiigting ng Philippine Coast Guard (PCG) ang inspeksiyon sa mga pampasaherong barko sa mga pantalan sa Batangas bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero ngayong Undas 2026.

Sa ilalim ng Oplan Byaheng Ayos: Undas 2026, nagsasagawa ang Coast Guard Station Batangas at mga nakasasakop nitong yunit ng masusing Pre-Departure Inspection (PDI) upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero, tripulante at kargamento bago bumiyahe ang mga barko.

Kabilang sa sinusuri ng mga tauhan ng PCG ang mga dokumento ng barko, kondisyon nito sa paglalayag, mga kagamitang pangkaligtasan tulad ng life-saving at firefighting equipment, at pagsunod sa itinakdang kapasidad ng mga pasahero.

Layunin nitong maiwasan ang sobrang pagsasakay ng pasahero, matukoy ang mga kakulangan sa kagamitang pangkaligtasan at matiyak na ligtas bumiyahe ang mga sasakyang pandagat.

Pinalalakas din ang seguridad sa mga pantalan sa pamamagitan ng K9 Explosive and Ordnance Disposal Team ng Coast Guard sa Batangas, na nagsasagawa ng inspeksiyon gamit ang mga asong sinanay na tumukoy ng mga pampasabog at iba pang ipinagbabawal na bagay sa mga terminal, barko at itinalagang lugar sa pantalan.

Samantala, binuksan na rin ang Malasakit Help Desk sa Batangas Port upang magbigay ng tulong sa mga pasahero.

Nakaantabay ang mga tauhan ng Coast Guard Nursing Service Sub-Unit at Coast Guard Medical Station–Southern Tagalog para sa agarang pagtugon sa pangangailangang medikal at iba pang tulong na maaaring kailanganin ng mga biyahero.

Pinaalalahanan naman ng PCG ang publiko na dumating nang mas maaga sa mga pantalan, bumili lamang ng tiket sa mga awtorisadong bilihan, sumunod sa mga abiso sa kaligtasan at makipagtulungan sa mga tauhan ng Coast Guard.

Hinimok din ang mga operator ng barko at shipping company na mahigpit na sundin ang mga regulasyon sa kaligtasan at seguridad sa paglalayag upang matiyak ang ligtas at maayos na biyahe ng mga pasahero ngayong Undas.

Kaugnay na Balita