MALACANANG – Pasok sa Top 10 ng 2026 Galing Pook Awards ang Zero Illiteracy and Innumeracy Program o ZIIP ng Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro, na naglalayong labanan ang kakulangan sa pagbasa, pagsulat at pagbibilang, partikular sa mga komunidad ng mga katutubong Mangyan.
Kinilala ang programa sa ilalim ng pamumuno ni Governor Humerlito “Bonz” Dolor, katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, kabilang ang Department of Labor and Employment (DOLE) at National Commission on Indigenous Peoples (NCIP).
Ayon sa datos ng programa, mula 2023 hanggang 2025, umabot sa 5,594 na Mangyan learners ang naitala bilang mga kalahok, at 4,407 sa kanila ang nakatapos ng mga pagsasanay sa pagbasa, pagsulat at pagbibilang
Kabilang ang ZIIP sa 10 natatanging programa sa lokal na pamamahala na pinarangalan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa seremonya ng 2026 Galing Pook Awards sa Malacañan Palace nitong Miyerkules.
Sa temang “Islands of Hope: Local Innovations, National Inspiration,” kinilala ng Galing Pook Awards ang mga makabagong programang nagbibigay ng konkretong solusyon sa mga suliranin ng mga komunidad.
Umabot sa 208 programa mula sa 148 local government units sa buong bansa ang lumahok sa kompetisyon.
Ayon kay Marcos, mahalaga ang papel ng mga lokal na pamahalaan sa paghahatid ng serbisyong direktang tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan.
Binigyang-diin din ng Pangulo ang kahalagahan ng patuloy na pagpapahusay sa mga programa at pagbabahagi ng mga epektibong pamamaraan upang mapakinabangan ng iba pang komunidad.
Para sa Oriental Mindoro, itinuturing na pagkilala sa mga pagsisikap na palawakin ang kakayahan ng mga Mangyan sa pagbasa, pagsulat at numerasiya ang pagkakasama ng ZIIP sa Top 10.
Layunin ng programa na mabigyan ng mahahalagang kasanayan ang mga benepisyaryo upang mas mapalawak ang kanilang oportunidad at pakikilahok sa lipunan.