LIPA CITY, Batangas – Wala pa ring inilalabas na kumpirmasyon ang Philippine Air Force (PAF) sa kalagayan ng mga piloto na sangkot sa insidente ng salpukan ng dalawang SF-260 aircraft sa Fernando Air Base sa Lipa City, Batangas nitong Biyernes ng hapon.
Dakong alas-3:50 ng hapon nang mangyari ang insidente habang nagsasagawa ng training flight ang dalawang eroplano.
Ayon kay PAF spokesperson Col. Alvin Jay Capinguian, agad na nagtalaga ng mga response team sa lugar upang tiyakin ang seguridad at suriin ang sitwasyon.
Sinabi ni Capinguian na agad na ipinatupad ang mga kinakailangang hakbang matapos ang insidente, habang nananatiling prayoridad ng PAF ang kaligtasan at kapakanan ng mga personnel na sangkot at ng mga taong nasa paligid ng lugar.
Sa ngayon, hindi pa kinukumpirma ng PAF kung may nasugatan o nasawi sa insidente.