NAUJAN, Oriental Mindoro — Kinilala ang bayan ng Naujan bilang Grand Winner sa municipal level ng Gawad Luntian 2026 dahil sa maayos na sistema ng pagproseso ng business permits at mga serbisyong sumusuporta sa mga negosyante.
Sa pamumuno ni Mayor Henry Joel Teves, patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga negosyanteng nagre-renew ng kanilang business permits, na nagpapakita ng kanilang kumpiyansa sa pamahalaang bayan at sa lumalawak na oportunidad sa pagnenegosyo sa Naujan.

Batay sa datos ng Department of Information and Communications Technology (DICT) MIMAROPA, umabot sa 2,960 ang mga establisimyentong nag-renew ng kanilang business permits noong 2026, mas mataas ng 227 kumpara sa 2,733 noong 2025.
Patuloy ding tumaas ang bilang mula 1,192 noong 2020, 1,205 noong 2021, 1,410 noong 2022, 1,985 noong 2023 at 2,573 noong 2024.

Ayon kay Teves, mahalaga ang mga negosyante sa pag-unlad ng ekonomiya ng Naujan dahil nagbibigay sila ng trabaho at kabuhayan sa mga mamamayan.
Ang Gawad Luntian ay ipinagkakaloob ng National Association of Business Permits and Licensing Officers bilang pagkilala sa mga lokal na pamahalaang nagsusulong ng mahusay na sistema sa business permits and licensing.
Sinabi ni Teves na magsisilbing inspirasyon ang parangal upang higit pang pagbutihin ang serbisyo ng pamahalaang bayan at matiyak na maramdaman ng mga mamamayan ang resulta ng maayos na pamamahala.
Inaasahan ng lokal na pamahalaan na sa patuloy na pakikipagtulungan sa mga negosyante, mas lalawak pa ang oportunidad sa trabaho at kabuhayan at magpapatuloy ang paglago ng ekonomiya ng Naujan.