“EERE TAYO!: Higit sa Isang Workbook, Pamana ni Julius Segovia sa Susunod na Henerasyon ng mga Mamamahayag”
Mula sa isang ideyang nabuo mahigit dekada na ang nakalilipas, naisakatuparan na ang isang aklat na hindi lamang nagsisilbing mahalagang yugto sa karera ng mamamahayag at edukador na si Julius Segovia, kundi isa ring pagpupugay sa kanyang yumaong ina na si Estela, na pumanaw isang buwan bago ang book launch.
Pormal na inilunsad ang EERE TAYO! A Practical Workbook for Journalism, Broadcasting, and Digital Media sa Book Nook, SM North EDSA kamakailan. Dinaluhan ito ng mga kaibigan at kasamahan ni Segovia mula sa industriya ng media at akademya, kapwa mga nakasama niya noon at mga kasalukuyang kaagapay sa propesyon.

Para kay Segovia, ang EERE TAYO! ay isang proyektong naglalayong mag-iwan ng pamana—isang practical workbook na makatutulong sa mga campus journalist, school paper advisers, aspiring broadcasters, at mga susunod na henerasyon ng mga storyteller upang maging mas mahusay at responsableng tagapagkuwento.

Hinango ang workbook sa mahigit dalawang dekada niyang karanasan sa media, kabilang ang kanyang mga taon sa IBC TV-13, QTV 11, GMA News, Abante Radyo, at Abante Tonite, gayundin sa kanyang karanasan bilang edukador at tagapagsanay sa pamamahayag.
“Sa mahabang panahon, marami na tayong magagandang materyales para sa journalism. Pero pagdating sa broadcast journalism—lalo na mga learning material na practical at easy to understand para sa mga Pilipinong mag-aaral—may kakulangan pa rin,” aniya.
“Umaasa akong makatutulong ang workbook na ito upang kahit paano ay mapunan ang kakulangang iyon.”

Isa sa mga ipinagmamalaking katangian ng EERE TAYO ay ang pagiging interactive nito. Hindi lamang ito puro basa at lecture-style gaya ng ibang textbooks. May kasama itong exercises, activities, reflection questions at practical newsroom tasks na maaaring gawin ng mga estudyante sa loob o labas ng classroom.
Sa madaling salita: bukod sa matututo ka na, mag-e-enjoy ka pa.
Patok din ito sa Gen Z learners dahil may QR codes sa iba’t ibang bahagi ng workbook. Kapag in-scan gamit ang cellphone, direkta ka nitong dadalhin sa aktuwal na sample reports, anchoring demonstrations at broadcasting examples upang makita mismo ng mga mag-aaral kung paano ginagawa ang isang tunay na news report.

Tampok din sa workbook ang mga mensahe, insights at payo mula sa mga media practitioner, mentors, colleagues at industry experts na matagal nang nasa larangan ng broadcast journalism.
Umaasa si Segovia na makatutulong ang workbook upang makabuo hindi lamang ng mas mahuhusay na manunulat at broadcaster, kundi ng mga tagapagkuwentong marunong kumilatis kung ano ang totoo, kung ano ang mahalaga, at kung ano ang tama.
“Sa huli, ang journalism ay hindi lamang tungkol sa kung sino ang unang makapag-uulat. Tungkol ito sa kung sino ang makapagsisiguro na tama ang kanyang iniuulat.”

Mabibili na online ang EERE TAYO! Para sa mga interesadong bumili ng kopya, magpadala lamang ng mensahe sa opisyal na Facebook page ng EERE TAYO!
Email: [email protected]
Facebook: Eere Tayo