PUERTO GALERA, Oriental Mindoro — Patuloy na nakakakuha ng international attention ang Puerto Galera dahil sa potensiyal nitong maging global hub para sa underwater photography, kasunod ng pagdaraos ng kauna-unahang Puerto Galera Underwater Shootout 2026.
Apatnapu’t limang professional at amateur underwater photographer, diver at marine enthusiast mula sa 13 bansa ang lumahok sa kompetisyon.
Kabilang sa mga bansang kinatawan ang United States, Australia, South Korea, Germany, Denmark, Spain, United Kingdom, Japan, China, Switzerland, Belgium, Macau at Pilipinas.
Isinagawa ang event ng Department of Tourism (DOT) Dive Philippines, katuwang ang DOT MIMAROPA at lokal na pamahalaan ng Puerto Galera.
Sa kompetisyon, tampok sa mga kuha ng mga photographer ang mayamang marine biodiversity ng Puerto Galera, kabilang ang mga coral reef, underwater ecosystem, macro subjects at iba’t ibang marine life.
Ayon kay Wenn Sorioso, head ng Dive Philippines ng DOT, layunin ng kompetisyon na higit pang maitaguyod ang Puerto Galera bilang pangunahing diving destination sa international tourism market.
“We are hoping na itong Puerto Galera ay magiging magnet natin para makapunta po sila dito, magbibigay din po tayo ng exposure sa ibang maliliit na diving destinations,” ani Sorioso.
Sinabi ni Sorioso na gagamitin din ng DOT ang mga larawang nakunan sa kompetisyon para sa international promotional activities nito.
“Since marami rin po kami international diving events, yung mga photos po na ito dala-dala ni DOT sa mga international brochures natin, ad placements abroad at saka yung malalaki po nating Philippine pavilions,” dagdag niya.
Iba’t ibang diving experience
Ayon kay Roberto Alabado III, regional director ng DOT MIMAROPA, kabilang ang Puerto Galera sa apat na diving hotspots sa rehiyon.
Sinabi niyang makikita sa Puerto Galera ang iba’t ibang marine species, coral formations, sharks at underwater canyons.
“Kumpleto rekados po tayo, ang gaganda ng dive spots natin. Kung ano ang specialization mo, kung gusto mo ng makakita ng maliliit na isda, mga sharks, mga corals, mga canyon sa ilalim ng dagat, mayroon tayo dito,” ani Alabado.
Bukod sa diving, sinabi ni Alabado na may mga resort, leisure activities at nightlife din sa lugar.
Aniya, matagal nang kilala ang Puerto Galera sa diving industry ng Pilipinas.
“Kung sasabihin mong OG sa dive destination ng Pilipinas, Puerto Galera ang nandiyan,” dagdag niya.
Para naman kay Amy Magsino, general manager ng Arkipelago Divers at kalahok sa kompetisyon, isa ang Puerto Galera sa mga diving destination na may pinakamaraming uri ng marine environment sa bansa.
“Puerto Galera is so beautiful and fascinating because it’s one of the most diverse diving destinations of the Philippines. We have everything from shallow, easy, beautiful dives, sea grass, sloping reefs, drifts, to technical diving,” ani Magsino.
Sinabi niyang magkakalapit ang maraming dive sites kaya madaling maranasan ng mga diver ang iba’t ibang underwater environment.
“The beauty of it is everything is nearby, so we go back and forth between every dive. It’s very close—the proximity and just the beauty,” dagdag niya.
Turismo at pangangalaga sa karagatan
Nagpasalamat naman si Puerto Galera Mayor Robinhood Ylagan sa pagdaraos ng Underwater Shootout 2026.
Ayon sa alkalde, nakatutulong ang event upang maipakita sa international audience ang marine resources ng Puerto Galera.
Umaasa rin siyang magsisilbi itong paraan upang higit pang mahikayat ang publiko na pangalagaan ang karagatan.
“May this event continue to inspire us to appreciate, protect and preserve our rich marine biodiversity,” ani Ylagan.
“We hope you leave Puerto Galera with beautiful photographs, wonderful memories, and a deeper appreciation for our seas and our community,” dagdag niya.
Kinilala rin ang Puerto Galera bilang Best Diving Destination sa DOT Tourism Awards 2025.
Mga nagwagi
Sa Compact Class Macro, nagwagi si Julienne Evangelista sa unang puwesto, habang sina Van Daniel Magsino at Anthony Castillo ang pumangalawa at pumangatlo.
Sa Open Class Macro, nanguna sina Ronilo Corpuz, PJ Arestorenas at Faisal Farooq Moosajee.
Sa Compact Class Marine Behavior, nag-first place si James Magsino, kasunod sina Jeston Dayday at Van Daniel Magsino.
Sa Open Class Marine Behavior, nanguna sina PJ Arestorenas, Lo Kai Chong at Justin Carmack.
Sa Compact Class Nudibranch, sina Julienne Evangelista, Peri Paleracio at Van Daniel Magsino ang nagwagi.
Sa Open Class Nudibranch, nanguna sina Alex Elmbaek, Lo Kai Chong at PJ Arestorenas.
Sa Compact Class Wide Angle, sina James Magsino, Van Daniel Magsino at Eva Paner ang nagwagi.
Sa Open Class Wide Angle, nanguna sina PJ Arestorenas, Ronilo Corpuz at Marivic Maramot.
Tumanggap din si PJ Arestorenas ng special prizes sa Turtle at Cephalopod categories.
Nakuha naman ni James Magsino ang Compact Class Best of Show, habang si Ronilo Corpuz ang nagwagi sa Open Class Best of Show.
Hinusgahan ang mga entry ng award-winning international underwater photographers na sina Scott “Gutsy” Tuason ng Pilipinas, Aaron Wong ng Singapore at Jerome Kim ng South Korea.