NAGCARLAN, Laguna — Pormal nang binuksan nitong Miyerkules, Oktubre 7, ang makulay na Ana Kalang Lanzones Festival sa Nagcarlan, Laguna, tampok ang mga tradisyon at produktong ipinagmamalaki ng bayan.
Hudyat ng pagbubukas ng festival ang panimulang programa na sinundan ng isa sa mga nakaugaliang tradisyon ng mga Nagcarleño—ang sabayang pagtagay ng lambanog, isa sa mga kilalang produkto ng bayan.
Dumalo sa programa si LYP Chairman Doland Castro, na kumatawan sa Pamahalaang Panlalawigan at kay Gov. Sol Aragones.
Malugod siyang sinalubong ng mga opisyal ng Nagcarlan, kabilang si Mayor Elmor Vita.
Ayon kay Castro, patuloy ang suporta ni Gov. Aragones at ng Pamahalaang Panlalawigan sa mga pagdiriwang sa iba’t ibang bayan ng Laguna dahil nakatutulong ang mga ito sa pagsusulong ng turismo at kultura.
“Si Gob. Sol at ang Pamahalaang Panlalawigan ay laging nakasuporta at kaisa ng mga pagdiriwang sa buong lalawigan—dahil sa mga aktibidad na ito mas napauunlad natin ang turismo, kultura, at ang kabuuan ng isang bayan,” ani Castro.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng Ana Kalang Festival bilang bahagi ng pagkakakilanlan at kasaysayan ng Nagcarlan.
“Ang Ana Kalang ay ipinagmamalaki natin dahil ito ay nagpapatunay lamang na ang bayan ng Nagcarlan at ang lalawigan ay puno ng kasaysayan at hitik sa kaunlaran,” dagdag niya.
Nakibahagi rin sa programa si DOT IV-A Assistant Regional Director Mario Daga, na kumatawan kay DOT IV-A Director Marites Castro.
Matapos ang programa, nagsagawa naman ng Sabayang Sayaw ang mga residente at kawani ng lokal na pamahalaan mula sa iba’t ibang tanggapan—isa pang tradisyon ng mga Nagcarleño tuwing Ana Kalang Lanzones Festival.
Magpapatuloy ang iba’t ibang aktibidad ng festival hanggang Oktubre 11, na tampok ang kultura, tradisyon at mga produktong ipinagmamalaki ng Nagcarlan.