CALAMBA CITY , Laguna – Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang panibagong insidente ng ng makapal na bula na bumalot sa San Juan River sa Barangay Real, Calamba City, Laguna, na pinaghihinalaang dulot ng mga kemikal na posibleng nagmula sa mga pabrikang malapit sa ilog.
Muling nabalot ng makapal at tila mga bula ng sabon ang bahagi ng ilog noong Lunes ng hapon, dahilan upang mangamba ang mga residente sa posibleng kontaminasyon ng tubig.
Hinala ng residenteng si Rolando Espedido, maaaring nagmula ang mga bula sa mga kemikal na itinatapon umano ng ilang pabrikang malapit sa ilog.
Ayon sa kaniya, madalas umanong mangyari ang ganitong insidente tuwing umuulan.
Nakunan pa ni Espedido ng video ang makapal na bula na kaniyang ipinost sa social media.

Bukod sa mga bula, sinabi niyang nakakita rin siya ng mga patay na isda at pagong sa ilog na pinaghihinalaan niyang naapektuhan ng posibleng polusyon.
Ikinababahala rin ni Espedido na maaaring umabot sa Laguna de Bay ang mga hinihinalang kemikal at magdulot ng mas malaking pinsala sa mga isda at kabuhayan ng mga mangingisda.
“Kung yung mga chemical po na dumadaan dito na nakakapatay po ng isda ay maiipon po doon, mamamatay po yung mga isda doon,” ani Espedido.
Agad namang nagsagawa ng inspeksiyon ang Calamba City Environment and Natural Resources Office (CENRO) matapos matanggap ang ulat tungkol sa panibagong insidente.
Nakipag-ugnayan na rin ang tanggapan sa Environmental Management Bureau ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Provincial Environment and Management Unit (PEMU), at Laguna Lake Development Authority (LLDA).
Humiling na rin ang CENRO sa LLDA na magsagawa ng pagsusuri sa mga sample ng tubig mula sa apektadong bahagi ng San Juan River upang matukoy kung may kontaminasyon at kung ano ang posibleng sanhi ng pagbubula.
Kabilang din sa planong imbestigasyon ang pagsuyod sa mga pabrikang matatagpuan malapit sa ilog, mula Calamba hanggang sa ilang bahagi ng Batangas, upang matukoy kung may mga kemikal na posibleng dumaloy patungo sa ilog.
“Ang San Juan River po ay hanggang Lipa. Ang layo po niyan, Lipa, Tanauan, Malvar saka po Santo Tomas. So marami din po doon mga companies na naka-ankla din po sa San Juan. Kaya po ang LLDA po yung talaga pong may jurisdiction po regarding po sa pagte-test ng tubig. Kasi po, marami na pong bayan ang naka-ankla sa San Juan River,” ayon kay Joseph Arlan Llorente, hepe ng Calamba CENRO.
Hindi ito ang unang pagkakataong nabalot ng makapal na bula ang San Juan River.
Noong Hunyo, nakunan din ni Espedido ng video ang kaparehong insidente matapos ang malakas na pag-ulan.
Bukod sa makapal na bula, nakapagtala rin noon ng masangsang na amoy at pagkamatay ng ilang isda sa ilog.
Gayunman, hindi natukoy ng mga awtoridad ang sanhi ng pagbubula sa naturang insidente.
“Katulad din po dati, sinuyod po yan ng LLDA. Dito naman po sa Calamba, kami naman po yung kasama nila para doon sa mga companies. Eh wala naman po silang nakita kasama po ang PEMU, wala naman pong nakita sa mga company dito sa Calamba po,” paliwanag ni Llorente.
Dahil sa paulit-ulit na insidente, nananawagan ang mga residente ng mas malalim at mas malawak na imbestigasyon upang matukoy ang pinagmumulan ng mga bula at mapanagot ang sinumang mapatutunayang responsable sa posibleng polusyon sa ilog.
“Eh panawagan ko po sa kay mayor po ng Calamba, paki-tutukan naman po ang nangyayari po dito sa atin. Ah, yung ating pong ilog ay nawawalan na po ng respeto ang mga ilang pabrika na nagtatapon ng chemical nila,” ani Espedido.
Mahalaga sa mga residenteng nakatira malapit sa San Juan River ang ilog dahil dito sila kumukuha ng mga isdang kanilang inuulam.
Ginagamit din nila ang tubig sa paliligo at paglalaba.
Pangamba ng mga residente, kung magpapatuloy ang pagbabalot ng bula sa ilog at mapatutunayang may mapanganib na kemikal sa tubig, posibleng malagay sa panganib ang kanilang kalusugan, kabuhayan at ang mga yamang-tubig sa lugar.
Sa ngayon, wala pang natutukoy na pabrika o kompanyang responsable sa insidente, habang hinihintay ang resulta ng pagsusuri sa tubig at imbestigasyon ng mga kinauukulang ahensiya.