LIPA CITY, Batangas – Isang linggo matapos ang pagpatay sa 20-anyos na architecture student na si Jazmine Iya Martinez sa Barangay Duhatan, wala pa ring natutukoy na suspek ang Lipa City Police.
Tatlong persons of interest na ang tinitingnan ng mga imbestigador, pero hindi pa nangangahulugang sangkot ang mga ito sa krimen.
Hindi pa rin matukoy ang motibo sa pagpatay kay Jazmine. Kabilang sa mga sinusuri ng mga awtoridad ang posibilidad na may personal na alitan o matinding sama ng loob sa biktima.
Hindi na rin pinaniniwalaang pagnanakaw ang motibo sa krimen dahil walang naiulat na nawawalang gamit ng biktima. Hindi na rin kabilang sa mga tinitingnang anggulo ang panggagahasa.
Umaasa ang mga imbestigador na makakakuha ng mahalagang impormasyon mula sa cellphone ni Jazmine, pero hanggang ngayon ay hindi pa nila ito nabubuksan.
Ayon sa ama ng biktima na si Crisanto Martinez, sa cellphone na lamang nila umaasa na makakuha ng lead sa kaso.
“Kasi yung cellphone ng anak ko hanggang ngayon hindi pa rin nabubuksan, doon na lang kami umaasa na makakuha ng lead,” ani Crisanto.
Wala rin umanong maisip ang pamilya kung sino ang maaaring may motibo para saktan si Jazmine dahil wala silang alam na naging kaaway nito.
Inilarawan ni Crisanto ang anak bilang tahimik na dalaga na karaniwang pumapasok sa paaralan at umuuwi lamang sa kanilang bahay.
“Dito po sa amin, wala po ako nakikitang naging kaaway niya. Hindi namin maisip kung sino ang may motibo para gawin sa anak ko yan,” dagdag niya.
Limang saksak ang tinamo ni Jazmine, kabilang ang mga sugat sa leeg at tagiliran na iniulat na ikinamatay niya.
Sa kuha ng CCTV, makikitang naglalakad pauwi si Jazmine bago tila sundan ng isang nakamotorsiklo. Inaalam pa ng mga imbestigador kung may kaugnayan ang rider sa krimen.
Umapela naman ang Lipa City Police sa mga residente na maaaring may nalalaman tungkol sa insidente na makipagtulungan sa imbestigasyon.
“Sa barangay, sa lugar mismo ng ating biktima. Kung may napansin po ang mga kapitbahay na may nakasama o by routine may sumusundo, kahit kaunting impormasyon po, description, malaking tulong na po sa amin,” ayon kay Police Lieutenant Colonel Aleli Buaquen, hepe ng Lipa City Police Station.
Nauunawaan ni Crisanto na maaaring abutin ng panahon ang imbestigasyon, pero umaasa siyang matutukoy ang mga responsable sa pagkamatay ng kanyang anak.
“Hindi po ako nagmamadali. Basta ang gusto ko lang po ay mabigyan ng katarungan ang anak ko. Handa po kaming maghintay. Basta lang po mabigyan ng katarungan,” ani Crisanto.
Nagpahayag din ng panawagan para sa katarungan ang Student Development and Activities Office ng National University-Lipa para kay Jazmine, isang third-year architecture student ng unibersidad.
Nagpaabot din ng pakikiramay ang Sangguniang Kabataan ng Barangay Duhatan sa pamilya ng biktima at nakikiisa sa panawagan para sa katarungan para kay Jazmine, na dati nilang iskolar.
Sa Huwebes, nakatakdang ilibing si Jazmine. Umaasa ang kanyang pamilya na magkakaroon na ng malinaw na pag-usad sa imbestigasyon bago ang kanyang libing.