LIPA CITY, Batangas – Sampu na drayber ng mga public utility vehicle (PUV) sa Calabarzon ang nagpositibo sa ilegal na droga sa isinagawang surprise random drug test ng Land Transportation Office (LTO) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) bilang bahagi ng mga hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero ngayong Undas.
Ayon kay LTO Calabarzon Regional Director Elmer Decena, apat sa 100 drayber na sumailalim sa pagsusuri sa Batangas City Grand Terminal ang nagpositibo.
Dalawa naman sa 100 drayber na sinuri sa San Pablo City, Laguna, ang nagpositibo, habang tatlo sa 100 drayber sa Antipolo City, Rizal, ang nakitaan din ng presensya ng ilegal na droga.
Isa naman ang nagpositibo sa Lipa City, Batangas
Kabilang sa mga sinuri ang mga drayber ng bus, jeepney, van at traysikel.
Hindi muna pinayagang bumiyahe ang mga nagpositibong drayber habang hinihintay ang resulta ng kanilang confirmatory drug test.
Kapag nagpositibo muli, babawiin ng LTO ang kanilang mga lisensya sa pagmamaneho, ayon kay Decena.