LIPA CITY, Batangas – Nasamsam ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang tinatayang ₱3.5 milyong halaga ng hindi rehistrado at walang label na cooking oil sa isang bodega sa Lipa City, Batangas, noong Oktubre 27.
Arestado ang isang babaeng empleyado ng bodega matapos maaktuhang nagbebenta at nakikipagkalakalan ng cooking oil na walang label at hindi rehistrado sa Food and Drug Administration (FDA).
Isinagawa ang operasyon bandang alas-dos ng hapon sa Barangay Lodlod 1 ng CIDG Batangas Provincial Field Unit, katuwang ang Provincial Intelligence Unit ng Batangas, 1st Batangas Provincial Mobile Force Company, Lipa City Police Station, FDA at Lipa City Health Office.
Bukod sa cooking oil, kinumpiska rin ng mga awtoridad ang mga tangke, lalagyan at bote na ginagamit sa pag-iimbak ng produkto.
Ayon sa CIDG, paglabag sa Republic Act No. 9711 o Food and Drug Administration Act of 2009 ang paggawa, pamamahagi at pagbebenta ng mga produktong pagkain na walang kinakailangang rehistro sa FDA.
Nagbabala rin ang CIDG na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan ang mga produktong walang sertipikasyon at pag-apruba ng FDA dahil hindi garantisado ang kalidad at kaligtasan ng mga ito. Posibleng malantad ang mga mamimili sa mapanganib na kontaminasyon, kabilang ang mga nakalalasong kemikal, mabibigat na metal at basurang industriyal.
Hinimok ng CIDG ang publiko na tiyaking may wastong label at rehistro sa FDA ang mga produktong pagkain bago bilhin, at agad na ireport sa pinakamalapit na tanggapan ng CIDG ang anumang kahina-hinalang pagbebenta o ilegal na kalakalan ng mga produkto.