SAN JOSE, Batangas – Nakatutok ngayon ang mga imbestigador ng San Jose Municipal Police Station sa anggulong may kinalaman sa love triangle ang motibo sa pagpatay sa 22 anyos na working student at musikero na si Charles Usi.
Sinabi ni PMaj. Florencio Caisip, Jr. , hepe ng San Jose Municipal Police Station, kabilang sa anim na persons of interest (POI) na kanilang sinisiyasat at dating boyfriend ng kasintahan ng biktima.
“parang may ano kasi, tungkol sa babae, girlfriend pareho, parehas siya, kasi dating kasintahan ng isa, ngayon at kasintahan naman ng biktima, ganun” sabi ni Caisip.
“girlfriend dati noong isa sa POI ” dagdag pa ni Caisip.
Pero tumanggi ang hepe na magbigay ng karagdagang detalye.
Mas pinalawak naman ng mga imbestigador ang pangangalap ng mga CCTV footage sa mga lugar na dinaanan ng mga suspek na sakay ng motorsiklo.
Hanggang nitong Miyerkoles, umabot na hanggang sa bayan ng Padre Garcia, Batangas ang mga otoridad.
“Sa ngayon po diretso ang amin backtracking and forward tracking ng mga CCTV footages. Sa ngayon po nasa parte na ng Padre Garcia na po kami, kasi from Lipa umikot sila papuntang Ibaan” sabi ni Caisip.
Bukod sa love triangle, tinitingnan din ng mga otoridad na may kinalaman sa trabaho ng biktima ang motibo ng krimen.