SAN JOSE, Batangas – Pinitingnan ng pulisya ang anim na persons of interest sa pagpatay sa 22-anyos na musician at working student na si Charles Usi sa San Jose, Batangas.
Ayon kay San Jose Municipal Police Station chief PMaj. Florencio Caisip Jr., apat sa anim na persons of interest ang natukoy batay sa pahayag ng isang testigo.
Hindi pa itinuturing na mga suspek ang mga ito, ngunit maaaring makatulong ang kanilang impormasyon sa paglutas ng kaso.

Dalawang anggulo ang tinututukan ngayon ng mga imbestigador — love angle at posibleng alitan na may kaugnayan sa trabaho.
Tumanggi namang magbigay ng karagdagang detalye ang hepe ng pulisya habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Patuloy rin ang pagkalap ng mga awtoridad ng mga kuha mula sa closed-circuit television o CCTV na maaaring makatulong sa pagkilala sa mga salarin.
Nakalagak na sa kanilang tahanan sa Barangay Lumil, San Jose, Batangas, ang mga labi ni Usi.
Binaril ang biktima dakong alas-nuwebe ng gabi nitong Linggo habang sakay ng kaniyang motorsiklo sa Barangay Banay-Banay 2nd, San Jose.
Pauwi na umano si Usi mula sa isang pagtatanghal sa Lipa City nang tambangan siya ng dalawang lalaking sakay din ng motorsiklo.
Nagtamo ang biktima ng limang tama ng bala mula sa kalibre .45 na baril.
Kilala si Usi sa Batangas sa kaniyang talento sa pagkanta at madalas siyang magtanghal sa mga bar at coffee shop.
Nagbu-busking din siya o tumutugtog at kumakanta sa mga pampublikong lugar upang makatulong sa pagtustos sa kaniyang pag-aaral at pang-araw-araw na pangangailangan.
Kinondena naman ng iba’t ibang organisasyon ng mga estudyante, grupo ng mga alagad ng sining at mga establisimyento sa Batangas ang pagpatay kay Usi at nanawagan ng hustisya para sa biktima.