MAKATI CITY – Papalakasin ni Occidental Mindoro Governor Eduardo “Ed” Gadiano ang mga lokal na industriya at paiigtingin ang suporta sa mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) upang mapalawak ang merkado ng mga produktong sariling atin at makalikha ng mas maraming oportunidad sa kabuhayan.
Bilang pagpapakita ng suporta sa mga lokal na negosyante, personal na nagtungo si Gadiano sa OBRA MIMAROPA 2026 na ginanap sa Glorietta Activity Center sa Makati City, kung saan itinampok ang mga produkto at likhang-sining mula sa Occidental Mindoro at iba pang lalawigan sa rehiyon.

Tampok sa ikatlong edisyon ng OBRA MIMAROPA ang 80 MSMEs mula sa Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan na nagpakilala ng kani-kanilang lokal na produkto, pagkain, sining at mga likhang-kamay.
Layunin ng naturang aktibidad na bigyang pagkakataon ang mga lokal na negosyante na maipakilala ang kanilang mga produkto sa mas malawak na merkado at makabuo ng mga bagong ugnayang pangnegosyo.
Sa pamamagitan ng mga ganitong programa, isinusulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Occidental Mindoro ang pagpapaunlad ng mga lokal na negosyo at industriya bilang bahagi ng pagpapalago ng ekonomiya ng lalawigan.
Inaasahang makatutulong ang patuloy na suporta sa MSMEs upang mas mapalawak ang oportunidad para sa mga lokal na prodyuser at negosyante, gayundin ang pagkilala sa mga produktong sumasalamin sa kultura, talento at pagkamalikhain ng mga taga-Occidental Mindoro.