VICTORIA, Laguna — Dalawampu’t limang residente ng Victoria ang tumanggap ng food carts, mga kagamitan at cash assistance bilang panimulang puhunan sa negosyo sa ilalim ng “Itik ng Victoria,” isang livelihood at product-development project ni Laguna Governor Sol Aragones na naglalayong palakasin at mas ipakilala ang mga produktong gawa sa Laguna.
Isinagawa ang “Itik ng Victoria Cart Turn Over Ceremony” sa Marbella Lake Residences sa Barangay Masapang, Victoria, Laguna.
Sa ilalim ng proyekto, binigyan ang mga napiling benepisyaryo ng food cart at starter kits upang makapagsimula ng sariling pagkakakitaan. Kabilang sa mga kagamitan ang glass cabinet, kumpletong LPG set, folding table, upuan o stool, kawali, talyasi, strainer, sipit, sandok, apron at hairnet.
Tumanggap din ang bawat benepisyaryo ng cash assistance na magsisilbing dagdag na puhunan sa pagsisimula ng kanilang negosyo.
Ang “Itik ng Victoria” ay nakatuon sa paggamit at pagpapalakas ng mga produktong may kaugnayan sa itik bilang bahagi ng kabuhayan at lokal na negosyo sa Victoria. Sa pamamagitan ng food carts, layunin ng proyekto na magkaroon ng dagdag na pagkakakitaan ang mga benepisyaryo habang mas napapalawak ang merkado ng mga lokal na produkto.
Ayon sa pamahalaang panlalawigan, ang proyekto ay hindi lamang pagbibigay ng tulong kundi isang hakbang upang makapagsimula ng negosyo ang mga benepisyaryo at magkaroon ng mas tuloy-tuloy na pinagkakakitaan.
Layunin din nitong makatulong sa pagpapakilala ng mga produktong gawa sa Laguna hindi lamang sa loob ng lalawigan kundi maging sa mga karatig-lugar.
Dumalo sa turnover ceremony sina Barangay Masapang Chairman Francisco Agona, Municipal Administrator Kathleen Kay Yambot, Municipal Agriculture Officer Emmanuel Atas, mga kinatawan ng Pamahalaang Panlalawigan at iba pang katuwang sa proyekto.
Kabilang din sa mga dumalo sina Public Affairs Chief Luibic Jacob, LYP President Bryan Guarnes, LYP Chairman Doland Castro at Bokal Angelica Jones Alarva, kasama ang mga kinatawan mula sa FAES-OPAG, PVet-PGL at Marbella Lake Residences.