Lumaktaw sa nilalaman
Martes, 27 Oktubre 2026 27 Okt 2026
TBSTNews OnlineTotoong Balita sa Southern Tagalog
Ito ang Totoo! www.totoongbalita.com
Swertres 9-7-8
BREAKING CALABARZON

Mga estudyante, musikero, buskers sumisigaw ng hustisya sa pinaslang na working student sa San Jose, Batangas

Kilala si Usi sa Batangas sa pagtugtog sa mga gigs, bar at coffee shop upang kumita at makatulong sa pagpopondo ng kaniyang pag-aaral sa Westmead International School, kung saan siya ay third-year Bachelor of Arts in Communication student.

Galing sa gig sa Lipa City si Charles Usi nang tambangan sa San Jose, Batangas habang pauwi sa kanilang bahay.charles usi/ facebook
I-share

SAN JOSE, Batangas –  Nagkakaisa ang iba’t ibang organisasyon ng mga estudyante, grupo ng mga artista, buskers at establisimyento sa Batangas sa panawagan ng hustisya para kay Charles Usi, ang 22-anyos na working student na pinatay sa pamamaril sa San Jose, Batangas.

Kilala si Usi sa Batangas sa pagtugtog sa mga gigs, bar at coffee shop upang kumita at makatulong sa pagpopondo ng kaniyang pag-aaral sa Westmead International School, kung saan siya ay third-year Bachelor of Arts in Communication student.

Sa isang pahayag, inilarawan ng Beyond Borders, opisyal na publikasyon ng paaralan, si Usi bilang isang mahusay na musikero at kabataang puno ng mga pangarap at mithiin sa buhay.

Nanawagan ang publikasyon ng katotohanan, pananagutan at hustisya para sa nasawing estudyante.

“We urge the concerned authorities to conduct a thorough, impartial, and transparent investigation into the circumstances surrounding his death, so that the truth may come to light and accountability may be pursued through due process,” ayon sa pahayag nito.

Nakiisa rin sa panawagan ang mga estudyante mula sa Public Administration of Development and Excellence organization ng Westmead International School.

Nagpahayag naman ng pagdadalamhati ang Association of Junior Artists and Communicators (AJAC), isa pang organisasyon sa paaralan, sa pagkamatay ni Usi na kanilang kapwa miyembro.

Inilarawan ng AJAC si Usi bilang isang musikero sa puso, masipag na estudyante at kaibigang minahal ng marami.

Sa kabila ng mga hamon sa buhay, ipinagpatuloy umano ni Usi ang kaniyang hilig sa musika sa pamamagitan ng pagtatanghal sa mga pampublikong lugar upang kumita habang nagsisikap na maabot ang kaniyang mga pangarap.

Ayon sa organisasyon, kailangang mabigyang-linaw ang mga pangyayari sa likod ng pagkamatay ni Usi at mapanagot ang sinumang responsable rito.

“We call for a thorough, impartial, and transparent investigation so that the truth may come to light and accountability may be pursued through due process. We urge the concerned authorities to take the necessary steps to ensure that the circumstances surrounding his death are properly investigated,” ayon sa AJAC.

Mariin ding kinondena ng BUSKtangas, grupo ng mga batang musikero at buskers sa Batangas, ang pagpatay sa kanilang kapwa musikero.

Ayon sa grupo, bukod sa matinding pagluluksa, nagdulot din ng takot sa kanilang hanay ang pagkamatay ni Usi dahil hindi na nila matiyak ang kanilang kaligtasan habang naghahanapbuhay sa pamamagitan ng pagtugtog sa mga pampublikong lugar.

“Paano kami patuloy na tutugtog sa mga lansangan kung pati ang kaligtasan namin ay hindi na namin matiyak? Paano namin maibabahagi ang aming musika kung may pangambang baka hindi kami makauwi nang ligtas pagkatapos ng bawat pagtatanghal?” ayon sa BUSKtangas.

Hinimok ng grupo ang mga awtoridad na tiyaking makakamit ang hustisya para sa kanilang kapwa musikero.

“Ang hustisya para kay Charles Usi ay panawagan din para sa kaligtasan ng bawat busker at alagad ng sining,” dagdag nito.

Nakiisa rin sa panawagan ang Alyansa Para sa Sining sa Kalsada  o APaSiKa, na nagsabing marami pang pangarap ang dapat sana ay matupad ni Usi sa kabila ng kaniyang murang edad.

Sa pamamagitan ng kaniyang talento at pagmamahal sa musika, naghatid umano si Usi ng saya at inspirasyon sa mga nakarinig sa kaniyang mga pagtatanghal.

Masakit para sa komunidad ng mga artista ang pagkawala ng isang kapwa alagad ng sining, lalo na kung karahasan ang naging dahilan ng pagkamatay nito, ayon sa APaSiKa.

Dagdag ng grupo, nagdulot din ng pangamba sa kapwa musikero ang pagpatay kay Usi.

“Nakikiisa ang APaSiKa sa BUSKtangas, sa pamilya ni Charles, at sa buong komunidad ng mga musikero sa panawagan para sa mabilis at patas na imbestigasyon, katotohanan, at hustisya. Nawa’y matukoy at mapanagot ang mga responsable sa kaniyang pagkamatay,” ayon sa APaSiKa.

Binaril si Usi dakong alas-9 ng gabi ng mga armadong suspek na sakay ng motorsiklo sa kahabaan ng national highway sa Barangay Banay-Banay 2nd, San Jose, Batangas.

Pauwi na umano ang biktima sakay ng kaniyang motorsiklo mula sa isang pagtatanghal sa Lipa City nang habulin siya ng mga suspek at pagbabarilin.

Nagtamo si Usi ng limang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Isinugod siya sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.

Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang motibo sa likod ng krimen.

Kaugnay na Balita