Lumaktaw sa nilalaman
Lunes, 26 Oktubre 2026 26 Okt 2026
TBSTNews OnlineTotoong Balita sa Southern Tagalog
Ito ang Totoo! www.totoongbalita.com
Swertres 7-1-6
CALABARZON

Manliligaw na utak sa pagpatay sa NU student sa Lipa City, 1 pa, arestado

Iniutos ng manliligaw ang pagpatay sa biktima dahil ilan taon na umano ay hindi pa siya sinasagot

Si Alyas Lance na umamin na pumatay kay Jazmine Iya Martinez sa utos umano ni Alyas Kevin
I-share

LIPA CITY, Batangas – Higit sampung araw matapos ang brutal na pagpatay sa 20-anyos na si Jazmine Iya Martinez, isang third-year Architecture student ng National University-Lipa, arestado na ang dalawang suspek, kabilang ang manliligaw umano ng biktima na itinuturong utak sa krimen.

 

Si Alyas Kevin na utak umano sa pagpatay sa kaniyang nililigawan na si Jazmine Iya Martinez

Ayon kay PLTCol. Aleli Buaquen, hepe ng Lipa City Police Station, magkasunod na naaresto ang 30-anyos na si alyas Lance, ang umano’y sumaksak sa biktima, at ang 30-anyos na si alyas Kevin, na pinangalanan ni Lance bilang nag-utos umano sa kaniya na gawin ang krimen.

Napatay si Martinez noong gabi ng Oktubre 14, 2026 habang naglalakad pauwi mula sa paaralan sa Barangay Duhatan, Lipa City, Batangas.

Ayon kay Buaquen, natukoy ng mga imbestigador ang umano’y sumaksak sa biktima matapos balikan ang mga kuha ng CCTV ilang sandali bago nangyari ang krimen.

Sa pagsusuri sa CCTV footage sa Barangay Banay-Banay, namataan ang isang lalaking nakasakay sa motorsiklo na kapareho umano ng sombrero at damit ng lalaking nakunan ng CCTV noong gabi ng krimen.

Nasundan ng mga awtoridad ang lalaki hanggang sa isang ginagawang bahay kung saan siya naaresto.

Nakatulong din sa pagkakakilanlan ng suspek ang cellphone video na kuha ng kaniyang katrabaho ilang oras bago ang krimen. Makikita sa video na suot pa rin niya ang parehong damit, sombrero at tsinelas.

“Doon natin siya na-identify kasi hindi siya nagpalit ng kaniyang kasuotan noong umaga na nagtrabaho siya, noong sinundo niya yung misis niya hanggang sa isinagawa niya yung krimen,” ani Buaquen.

Itinuro ni alyas Lance sa mga awtoridad kung saan niya itinago ang damit, kutsilyo at motorsiklong ginamit umano sa krimen. Narekober ang mga ito ng mga pulis.

Itinuro rin ni alyas Lance ang kaniyang katrabaho na si alyas Kevin bilang nag-utos umano sa kaniya na patayin si Martinez dahil dalawang taon na umanong hindi sinasagot ng dalaga ang kaniyang panliligaw.

Ayon kay Buaquen, planado ang pagpatay at ilang araw umanong minanmanan muna ang pag-uwi ng biktima.

Sinabi rin ng hepe na obsession umano ang nagtulak kay alyas Kevin na ipapatay ang estudyante.

“Dahil gustong-gusto niya yung bata, yung estudyante, pero may pangarap pa, gustong mag-aral kaya wala pa siguro sa isip. Noong hindi siya pinapansin dahil na-focus sa pag-aaral, doon siya nagalit,” ayon sa hepe.

Sa panayam, tahasang inamin ni alyas Lance na inutusan umano siya ni alyas Kevin at binayaran ng paunang P10,000 para patayin si Martinez.

“Iniutos po sa akin ni Kevin na tungkol sa relasyon nila ni Jazmine na kung hindi mapapasakaniya eh dispatsa ko na po kasi hindi po siya sinasagot ni Jazmine,” ani alyas Lance.

“First year pa po yun noong niligawan ni Kevin hanggang second year, third year eh wala pong nangyayari sa relasyon nila,” dagdag niya.

Ayon kay alyas Lance, inabangan niya ang biktima noong gabi ng krimen at sinubukang kausapin dahil matagal na umanong hindi nakokontak ni alyas Kevin ang dalaga.

“Tapos nagalit po si Jazmine, nagwala, pinagsasampal ako tapos pinagsusuntok ako, bukod pa roon tuloy-tuloy na sabunot sa akin, doon ko ho nagawa ang krimen,” pag-amin ni alyas Lance.

“Hindi ko naman po akalain na mamamatay siya, nabigla nga po ako sa nangyari,” dagdag niya.

Sinabi rin ni alyas Lance na nakokonsensiya na siya at ilang araw nang hindi makatulog kaya inamin niya ang kaniyang pagkakasangkot sa krimen.

Samantala, naaresto naman si alyas Kevin sa follow-up operation sa Tanauan City, Batangas, ngunit itinanggi nito ang paratang.

“Wala po akong kinalaman dito,” giit ni alyas Kevin.

Inihahanda na ang kasong murder laban sa dalawang suspek na kasalukuyang nakakulong sa Lipa City Detention Center.

Kaugnay na Balita