Lumaktaw sa nilalaman
Lunes, 26 Oktubre 2026 26 Okt 2026
TBSTNews OnlineTotoong Balita sa Southern Tagalog
Ito ang Totoo! www.totoongbalita.com
Swertres 7-1-6
CALABARZON

Working student, patay sa pamamaril ng riding-in-tandem sa San Jose, Batangas

Isinugod pa sa ospital si Usi ngunit idineklarang dead on arrival matapos magtamo ng limang tama ng bala mula sa kalibre .45 na baril.

Sinabayan ng mga suspek ang biktima pauwi at saka pinagbabarilsan jose police station
I-share

SAN JOSE, Batangas – Patay ang isang 22-anyos na working student matapos pagbabarilin ng riding in tandem sa national highway sa Barangay Banay-Banay 2nd, San Jose, Batangas, Linggo ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Charles Usi, kumukuha ng kursong Bachelor of Arts in Communication sa Westmead International School.

Ang biktimang si Charles Usi, 22 anyos

Isinugod pa sa ospital si Usi ngunit idineklarang dead on arrival matapos magtamo ng limang tama ng bala mula sa kalibre .45 na baril.

Ayon kay PMaj. Florencio Caisip Jr., hepe ng San Jose Municipal Police Station, vehicular accident ang unang ulat na natanggap ng mga awtoridad hanggang sa matuklasan ng mga rumespondeng pulis na may mga tama ng bala ang biktima.

“Initially, ang report po sa amin ay vehicular accident. Tapos noong dumating ang aming first responder, doon nila nakita na may mga tama ng bala,” ani Caisip.

Ayon pa sa hepe, tumagos sa katawan ng biktima ang isang bala matapos dumaan sa kaniyang gitara.

“Nung madala namin siya sa Metro San Jose Hospital, accordingly, is lima yung tama. Bale yung putok sa likod, lumusot doon sa kanyang gitara, tapos lumusot sa katawan,” dagdag ni Caisip.

Pauwi na umano si Usi sakay ng kaniyang motorsiklo matapos kumanta sa isang bar nang pagbabarilin ng mga suspek dakong alas-nuwebe ng gabi.

Sa kuha ng CCTV, bahagyang makikita ang biktima na nagmamaneho ng motorsiklo bago ito sabayan ng dalawang suspek na sakay rin ng motorsiklo.

Hindi nakunan ng CCTV ang aktuwal na pamamaril, ngunit maririnig sa video ang sunod-sunod na putok ng baril.

Ayon kay Caisip, kapwa naka-helmet ang mga suspek. Puti ang helmet ng driver habang itim naman ang suot ng back rider.

Iba’t ibang anggulo at posibleng motibo sa krimen ang sinisilip ngayon ng mga imbestigador, ngunit hindi muna nagbigay ng karagdagang detalye ang mga awtoridad

Kaugnay na Balita