Lumaktaw sa nilalaman
Huwebes, 1 Oktubre 2026 1 Okt 2026
TBSTNews OnlineTotoong Balita sa Southern Tagalog
Ito ang Totoo! www.totoongbalita.com
Swertres 0-3-2
National

₱1.2-B waste-to-energy plant sa Calauan,Laguna, itinutulak

Ayon kay Calauan Mayor Roseller Caratihan, handa ang kanilang bayan na maging isa sa mga unang lokal na pamahalaan sa bansa na magpatupad ng ganitong teknolohiya.

Ipinakita ni Calauan Mayor Roseller Caratihan ang plano kung saan itatayo ang waste-to-energy plant.TBST News
I-share

CALAUAN, Laguna — Umaapela ang Pamahalaang Bayan ng Calauan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na suportahan at pabilisin ang isinusulong na ₱1.2-bilyong waste-to-energy plant sa Barangay Imok, na layong makatulong sa lumalalang problema sa basura habang lumilikha ng kuryente.

Ayon kay Calauan Mayor Roseller Caratihan, handa ang kanilang bayan na maging isa sa mga unang lokal na pamahalaan sa bansa na magpatupad ng ganitong teknolohiya.

Aniya, binigyang-diin din ni Pangulong Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address noong Hulyo ang waste-to-energy technology bilang isa sa mga posibleng solusyon sa lumalaking problema sa basura.

“Kami na po ’yung may unang-unang programa dito na nakagawa na po ng economy code para sa waste-to-energy. Open po ang aming bayan para sa waste-to-energy, at nandito na po ’yung pasilidad na puwede naming ipagmalaki sa inyo na pwedeng magamit,” ani Caratihan.

Itatayo ang Calauan Waste-to-Energy Plant sa limang ektaryang bahagi ng 84-ektaryang Imok Integrated Eco-Industrial Park, na planong magkaroon din ng mga industrial park, pabahay at mga pampublikong open green spaces.

Target na matapos ang planta sa loob ng 15 buwan matapos magsimula ang konstruksyon.

Ayon kay Caratihan, halos lahat ng kinakailangang permit para sa proyekto ay nakumpleto na, at ang hinihintay na lamang ay ang approval mula sa Laguna Lake Development Authority (LLDA).

Naipasa na rin ng Sangguniang Bayan ng Calauan ang Municipal Ordinance No. 03-12-2026, na nagbibigay ng development permit para sa proyekto.

Kapag naging operasyon na, inaasahang kayang iproseso ng planta ang tinatayang 500 hanggang 1,000 tonelada ng basura kada araw at makalikha ng 10 hanggang 12 megawatts ng kuryente, na maaaring umabot sa hanggang 240 megawatt-hours kada araw.

Samantala, tiniyak ng alkalde sa mga residente na isinailalim na sa public consultations ang proyekto at kailangang sumunod sa mahigpit na emission standards.

Ayon sa lokal na pamahalaan, idinisenyo ang pasilidad upang magkaroon ng kaunting residue at maiwasan ang masamang amoy.

Bago pa man binanggit ng Pangulo ang waste-to-energy sa kanyang SONA, pinag-aaralan na ng Calauan ang pagpapatupad ng proyekto.

Noong Mayo 2026, nagtungo sina Caratihan at iba pang opisyal ng lokal na pamahalaan sa Bac Ninh Province, Vietnam, upang inspeksyunin ang isang waste-to-energy facility na pinatatakbo ng T&J Green Energy, isang Vietnamese-Japanese partnership.

Sinabi ni Caratihan na nakatulong ang kanilang pagbisita sa Vietnam upang mas mapagtibay ang teknikal na plano para sa planta at mapalakas ang kanilang kumpiyansa na maaaring magsilbing modelo ang Calauan sa sustainable waste management at clean energy generation sa bansa.

Kaugnay na Balita