SABLAYAN, Occidental Mindoro — Pinangunahan ni Governor Eduardo B. Gadiano ang inauguration at turnover ng 133-linear-meter access road sa Barangay San Nicolas, Sablayan, Occidental Mindoro noong Setyembre 30, 2026.
Bahagi ito ng proyektong Opening of Farm-to-Market Road and Concreting of Access Road na layong mapabuti ang daanan at konektibidad ng mga residente sa komunidad.
Kasama ni Gov. Gadiano sa seremonya si Barangay Captain Oliver Jaranilla, mga opisyal ng barangay at mga kinatawan ng lokal na pamahalaan ng Sablayan.
Isinagawa ang proyekto sa ilalim ng Municipal Community Driven Development Program (MCDDP) na kaugnay ng Seal of Good Local Governance for Barangay (SGLGB).
Sa pamamagitan ng pagsesemento ng 133 linear meters na access road, mas mapapadali ang pagbiyahe ng mga residente at pagdadala ng mga produktong agrikultural mula sa mga komunidad patungo sa pamilihan.
Inaasahang makikinabang dito ang mga magsasaka, motorista at mga pamilyang araw-araw na gumagamit ng naturang kalsada.
Ayon sa pamahalaang panlalawigan, patuloy nitong isinusulong ang mga proyektong naglalayong mapabuti ang imprastraktura at makapaghatid ng mas ligtas at maayos na serbisyo sa mga barangay.