INFANTA, Quezon — Ipinasara at kinansela ng lokal na pamahalaan ng Infanta ang business permits ng limang quarry crushing plants at isang mobile crusher matapos ipatupad ang Cease and Desist Order (CDO) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Sa bisa ng Memorandum No. 2026-393 ni Mayor LA Ruanto, agad na nagsagawa ng aksyon ang Business Permits and Licensing Section para kanselahin ang mga business permit ng mga sumusunod:
* Reina Readymix Construction OPC
* Ultrarocks Corporation
* Frepa Aggregates Trading
* MCDC Hauling Services/Gravel and Sand
* Sta. Clara International Corporation
Ayon sa lokal na pamahalaan, isinagawa ang hakbang kasunod ng CDO na ipinataw ng DENR matapos ang field investigation ng Composite Monitoring Team noong Setyembre 9 at 10, 2026.
Lumabas umano sa pagsusuri na wala sa mga pasilidad ang Mineral Processing Permit (MPP) na kinakailangan sa ilalim ng Philippine Mining Act of 1995.
Binigyang-diin ng lokal na pamahalaan na hindi sapat ang pagkakaroon ng Environmental Compliance Certificate (ECC) at Industrial Sand and Gravel Permit upang magsilbing kapalit ng MPP.
Ayon pa sa pamahalaang bayan, idinaan sa proseso ang pagsusuri at pagpapatigil sa operasyon sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan, pamahalaang panlalawigan at DENR.
Sinabi rin ng lokal na pamahalaan na patuloy nitong tututukan ang responsableng quarrying at paggamit ng likas na yaman sa Infanta, habang isinasaalang-alang ang pangangalaga sa kalikasan at kaligtasan ng mga residente.