Lumaktaw sa nilalaman
Huwebes, 1 Oktubre 2026 1 Okt 2026
TBSTNews OnlineTotoong Balita sa Southern Tagalog
Ito ang Totoo! www.totoongbalita.com
Swertres 0-3-2
Panahon

Habagat posibleng matapos sa unang linggo ng Oktubre — PAGASA

Gayunman, sinabi ng PAGASA na maaaring maiba ang lagay ng panahon ngayong Amihan season dahil sa umiiral na El Niño.

Pagkatapos ng Habagat, papasok ang bansa sa transition period kung saan magiging mas dominante ang easterlies bago tuluyang magsimula ang northeast monsoon o Amihan.TBST News
I-share

MANILA — Posibleng matapos sa unang linggo ng Oktubre ang southwest monsoon o Habagat, na hudyat din ng pagtatapos ng tag-ulan sa kanlurang bahagi ng bansa, ayon sa PAGASA nitong Huwebes.

Ayon kay weather forecaster Leanne Loreto ng PAGASA, inaasahang unti-unting mababawasan ang mga pag-ulan, lalo na sa western section ng bansa, kapag natapos na ang Habagat.

Sa mga nakaraang taon, karaniwang nagtatapos ang Habagat sa unang kalahati ng Oktubre.

Pagkatapos ng Habagat, papasok ang bansa sa transition period kung saan magiging mas dominante ang easterlies bago tuluyang magsimula ang northeast monsoon o Amihan.

Posibleng magsimula ang Amihan sa ikalawang bahagi ng Oktubre, ayon kay Loreto.

Gayunman, sinabi ng PAGASA na maaaring maiba ang lagay ng panahon ngayong Amihan season dahil sa umiiral na El Niño.

Posible umanong hindi gaanong magiging malamig ang temperatura kumpara sa mga nakaraang taon.

Samantala, isa hanggang dalawang tropical cyclone ang inaasahang mabubuo o papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong Oktubre.

Karaniwang tumatama sa Luzon ang mga bagyo tuwing Oktubre, partikular sa hilaga at timog na bahagi ng Luzon. Maaari rin itong makaapekto sa Caraga at Eastern Visayas.

Rosal at Samuel ang mga susunod na pangalan sa listahan ng PAGASA para sa mga bagyong papasok sa PAR.

Sa rainfall forecast naman, inaasahang makakaranas ng below-normal rainfall o humigit-kumulang 20 hanggang 60 porsiyentong pagbaba ng ulan ang malaking bahagi ng Luzon, Western Visayas, Eastern Visayas at Caraga.

Samantala, near-normal rainfall naman ang inaasahan sa Negros, Central Visayas at iba pang bahagi ng Mindanao.

Kaugnay na Balita