Lumaktaw sa nilalaman
Miyerkules, 28 Oktubre 2026 28 Okt 2026
TBSTNews OnlineTotoong Balita sa Southern Tagalog
Ito ang Totoo! www.totoongbalita.com
Swertres 8-3-8
BREAKING CALABARZON

Mayor ng Luisiana, Laguna,sinibak ng Ombudsman dahil sa P11,000 solicitation sa Christmas party; Alvarez, umapela

Nag-ugat ang kaso sa reklamong inihain ng dating alkalde na si Ernesto Rondilla noong Disyembre 11, 2024.

Iginiit ni Mayor Jomapher Uy Alvarez na wala siyang kinamkam na pera ng Luisiana, LagunaTBST News
I-share

LUISIANA, Laguna –  Iaapela  nang   sinibak na si  Luisiana, Laguna Mayor Jomapher Uy Alvarez ang desisyon ng Office of the Ombudsman na nagtatanggal sa kaniya sa puwesto matapos mapatunayang liable sa kasong grave misconduct kaugnay ng solicitation na nagkakahalaga ng P11,000 para sa Christmas party ng mga empleyado ng munisipyo.

Ayon kay Alvarez, maghahain siya ng motion for reconsideration upang kuwestiyunin ang desisyon.

“Haharapin ko ang kasong ito sa pamamagitan ng mga legal na pamamaraan, iginagalang ko ang proseso at gagamitin ko ang mga karapatang ipinagkakaloob upang ipagtanggol ang aking sarili,” pahayag ng sinibak na alkalde.

Isinilbi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang dismissal order ng Ombudsman laban kay Alvarez noong Lunes ng hapon.

Dahil dito, awtomatikong pumalit sa puwesto ng alkalde si Vice Mayor Jonieces Acaylar.

Nag-ugat ang kaso sa reklamong inihain ng dating alkalde na si Ernesto Rondilla noong Disyembre 11, 2024.

Ayon sa ulat, humingi umano ng pahintulot ang mga kawani ng munisipyo kay Alvarez upang makapagsolicit ng pondo para sa kanilang year-end Christmas party noong Disyembre 2024. Pinayagan umano ito ng alkalde sa pamamagitan ng pagpirma sa solicitation letter.

Umabot sa P11,000 ang kabuuang nalikom ng mga kawani, na ginamit para sa mga premyo sa raffle sa nasabing  Christmas party.

Gayunman, iginiit ni Alvarez na wala siyang kinamkam na pera ng bayan at hindi niya ginamit para sa sariling kapakinabangan ang mga kontribusyon.

“Ang mga kontribusyon ay inilaan para sa mga premyo sa raffle ng mga empleyado, ang mga ito ay pinagsama-sama sa pamamagitan ng komiteng nakatalaga para sa aktibidad at hindi para sa aking personal na kapakinabangan,” paliwanag ni Alvarez.

“Wala akong kinamkam na kontribusyon para sa aking sarili, walang pondo ng bayan na ginamit para sa mga nasabing premyo, hindi po ako ang personal na tumukoy kung sino ang bibigyan ng mga liham,” dagdag niya.

Iginiit din ni Alvarez na bahagi lamang umano ng political demolition laban sa kaniya ang mga kasong isinampa, at sinabi niyang ito na ang ikaanim na kasong kinakaharap niya.

Nanawagan naman ang sinibak na alkalde sa kaniyang mga tagasuporta na manatiling kalmado at hintayin ang magiging resulta ng kaniyang apela.

Kaugnay na Balita