MANILA – Idinulog ni Occidental Mindoro Rep. Leody “Odie” Tarriela sa National Power Corporation (NPC) ang kakulangan sa subsidiya para sa pagbili ng krudo na ginagamit sa pagpapatakbo ng mga power plant sa lalawigan.
Noong Setyembre 24, 2026, hiniling ni Tarriela sa NPC na maglaan ng karagdagang subsidiya upang matiyak ang sapat na suplay ng krudo para sa mga planta ng kuryente.
Ayon kay Tarriela, nagkulang ang subsidiya para sa taong 2026 bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Bilang isang lalawigan na kabilang sa mga missionary electrification area, umaasa ang bahagi ng konsumo nito sa kuryente sa subsidiya ng pambansang pamahalaan sa ilalim ng Universal Charge for Missionary Electrification (UC-ME).
Agad namang tumugon ang NPC at sinabing humiling na ito sa Energy Regulatory Commission (ERC) ng karagdagang pondo para sa UC-ME subsidy.
Patuloy namang makikipag-ugnayan si Tarriela sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan upang matiyak na may sapat na suplay ng kuryente ang lalawigan at maiwasan ang posibleng epekto ng kakulangan sa krudo sa operasyon ng mga power plant.