Lumaktaw sa nilalaman
Biyernes, 30 Oktubre 2026 30 Okt 2026
TBSTNews OnlineTotoong Balita sa Southern Tagalog
Ito ang Totoo! www.totoongbalita.com
Swertres 7-7-4
BREAKING CALABARZON

58 pasahero, crew, ligtas matapos tumagilid ang RoRo vessel sa Real, Quezon

Batay sa paunang imbestigasyon ng Coast Guard Northern Quezon, sinabi umano ng kapitan ng barko na naputol ang tali na nakakabit sa pier dahil sa malakas na agos ng tubig.

Ligtas lahat ang 40 pasahero at 18 crew matapos makaresponde agad ang mga tauhan ng Coast Guard Station Northern QuezonCOAST GUARD SOUTHERN TAGALOG
I-share

REAL, Quezon – Ligtas ang lahat ng 40 pasahero at 18 crew members ng isang roll-on/roll-off (RoRo) vessel na tumaob sa Ungos Port sa Real, Quezon, bagamat apat ang nagtamo ng bahagyang sugat, ayon kay Coast Guard Southern Tagalog District Commander Commodore Geronimo Tuvilla.

Ayon kay Tuvilla, agad na nagsagawa ng search and rescue operations ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard na nakatalaga sa pantalan matapos ang insidente sa MV Virgen de Peñafrancia II ng Starhorse Shipping Lines bandang alas-12:44 ng madaling araw nitong Biyernes.

Agad nagsagawa ng search anfd rescue operations ang Coast Guard Northern Quezon matapos tumagilid ang roro vessel na MV Virgen de Peñafrancia II.COAST GUARD SOUTHERN TAGALOG DISTRICT

Batay sa paunang imbestigasyon ng Coast Guard Northern Quezon, sinabi umano ng kapitan ng barko na naputol ang tali na nakakabit sa pier dahil sa malakas na agos ng tubig.

Dahil dito, naanod nang may sampung metro palayo sa pantalan ang unahang bahagi ng barko.

Sinubukan pa umano ng barko na magmaniobra pabalik ngunit sumadsad ang unahan nito bago tuluyang tumaob sa kanang bahagi o starboard side.

May lulan ding ilang sasakyan ang barko, ngunit inaalam pa ng mga awtoridad ang eksaktong bilang ng mga ito.

Kinumpirma naman ni Ricky Poblete, hepe ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), na apat ang nagtamo ng minor injuries.

Ayon kay Tuvilla, maayos ang biyahe ng barko mula Polillo Island, ngunit nakaranas ito ng malakas na agos ng tubig pagdating sa Ungos Port.

Wala namang agarang banta ng oil spill sa lugar, ngunit nagpakalat na rin ang Philippine Coast Guard ng oil spill containment booms sa paligid ng barko bilang pag-iingat.

Kaugnay na Balita