SAN JOSE, Batangas – Nasa trabaho sa isang warehouse sa Dubai si Michael Usi nang sunod-sunod na makatanggap ng mga mensahe mula sa isa sa kaniyang mga anak. Dahil abala sa trabaho, hindi niya agad nabasa ang mga ito.
Pag-uwi niya sa kanilang tinutuluyan, saka lamang niya binuksan ang mga mensaheng tuluyang gumimbal sa kaniyang mundo.
Agad niyang tinawagan ang kaniyang anak. Doon niya nakumpirma ang pinakamasakit na balitang maaaring marinig ng isang ama—ang kaniyang pangalawang anak na si Charles Usi, na puno ng pangarap sa buhay, ay biktima ng isang malagim na krimen.
Agad na umuwi ng Pilipinas si Michael. Sa kanilang payak na tahanan sa Barangay Lumil, San Jose, Batangas, isang masakit na katotohanan ang sumalubong sa kaniya: nakahimlay na sa kabaong ang kaniyang 22-anyos na anak.
Sa tabi ng kabaong ni Charles, nandoon ang gitara na palagi nitong dala sa pagkanta—ang gitara ring tadtad ng mga tama ng bala nang pagbabarilin siya ng mga hindi pa nakikilalang salarin.
Linggo ng gabi nang tambangan at pagbabarilin ng riding-in-tandem ang binata habang sakay ng motorsiklo sa Barangay Banay-Banay 2nd, San Jose, Batangas. Pauwi siya noon mula sa isang singing performance sa Lipa City.
Tahimik at pigil ang emosyon ni Michael nang makapanayam ng TBST News . Ngunit sa bawat salitang kaniyang binibitawan, dama ang matinding paghihinagpis ng isang amang nawalan ng anak—isang anak na pinangarap niyang makitang magtagumpay sa buhay.
Ayon kay Michael, pursigido sa pag-aaral si Charles sa kabila ng hirap ng kanilang buhay. Kaya naman, nagpasya siyang magtrabaho sa ibang bansa upang matustusan ang pangangailangan at edukasyon ng kaniyang mga anak.
Samantala, hindi hinayaang maging hadlang ni Charles ang kahirapan upang maabot ang kaniyang mga pangarap. Ginamit niya ang kaniyang talento sa pagkanta upang makatulong sa sariling pag-aaral.
Kumakanta siya sa mga bar at coffee shop, at madalas ding mag-busking o tumugtog at kumanta sa mga pampublikong lugar upang kumita. Unti-unti siyang nakilala sa Batangas at nagkaroon ng mga tagahanga na humanga hindi lamang sa kaniyang boses kundi maging sa kaniyang pagsisikap.
“Ako po ay nagagalak kasi ang aking anak ay masipag mag-aral. Tapos, at the same time, sinasabay niya po yung work niya bilang singer. Naggi-gig po siya para masuportahan po yung pag-aaral niya” kuwento ni Michael.

Ang kaniyang pagmamahal sa musika ang nagtulak kay Charles na kumuha ng kursong Bachelor of Arts in Communication. Third-year student na siya sa Westmead International School sa Batangas City.
Kaunting panahon na lamang sana at malapit na siyang makapagtapos at maabot ang mga pangarap na matagal niyang hinahangad.
Ngunit sa isang iglap, limang tama ng bala ang tumapos sa buhay ng binatang nagsisikap bumuo ng mas magandang kinabukasan para sa kaniyang sarili at pamilya.
Hanggang ngayon, hindi pa rin nakikilala ang mga salarin sa likod ng pamamaslang.
Ayon kay Michael, madalas ipangako ng kaniyang anak na iaahon nito sa hirap ang kanilang pamilya. Pangarap din daw ni Charles na makauwi na ang kaniyang ama sa Pilipinas matapos siyang makapagtapos ng pag-aaral.
“tapos gusto niya akong pauwiin dito pagkatapos niyang makatapos. Uuwi na ako dito sa Pilipinas” pag-alala ni Michael sa naging usapan nila ng kaniyang anak.
Ngayon, sa gitara na lamang ni Charles naaalala ni Michael ang anak na maagang nawala sa kaniyang piling.
Paminsan-minsan, sinusubukan niyang tugtugin ang gitara ng binata kahit aminadong hindi siya gaanong marunong tumugtog. Bata pa lamang daw si Charles ay mahilig na ito sa musika at pagkanta—talentong maaaring namana pa nito sa kaniyang lolo, na mahusay ding kumanta.
Pangalawa sa limang magkakapatid si Charles. Inilarawan siya ng kaniyang ama bilang magiliw, palakaibigan at mapagmahal sa pamilya—kaya hindi matanggap ni Michael kung bakit may taong kumitil sa buhay ng kaniyang anak.
“Wala po siyang nababanggit sa akin eh. Kahit nasa ibang bansa ako, wala po siyang ano. Tsaka yung bata na ’yan, talagang palapansin po siya. Pala-bate. Tsaka kaya wala siyang kaaway talaga eh. Hindi ko lang alam kung bakit nangyari po sa kanya ’yan eh. Napakasakit talaga nang nangyari sa bata na ’yan,” pahayag ni Michael.
Sa ngayon, iisa na lamang ang hiling ng isang amang nagdadalamhati—ang makamit ng kaniyang anak ang katarungan.
“Kung saan man kayo ngayon, kung nakikinig po kayo ngayon, sana po makonsensya po kayo sa ginawa niyo sa anak ko kasi ang anak ko’y meron pong pangarap at batang-bata pa po yung aking anak, 22 years old. Binawian niyo na po kaagad ng buhay. Kaya sana makonsensya po kayo,” apela ni Michael sa mga taong nasa likod ng krimen.
Sa munting tahanan ng pamilya Usi, kung saan nakahimlay ang mga labi ni Charles, walang patid ang pagdating ng mga nakikiramay.
Nariyan ang mga kamag-anak, kaklase, kaibigan, mga nakasama niya sa trabaho, at maging ang mga simpleng tagahangang naantig sa kaniyang talento at kuwento ng pagsisikap.
Sa bawat pagdating ng mga nakikiramay, lalong tumitindi ang panawagan para sa katarungan para kay Charles—ang 22-anyos na working student na nagsikap umahon sa kahirapan, tumulong sa pamilya, at tuparin ang kaniyang mga pangarap.
Mga pangarap na hindi na niya matutupad dahil sa karahasang maagang kumitil sa kaniyang buhay.
Sa gitna ng pagdadalamhati, nananatiling umaasa ang kaniyang pamilya na matutukoy at mapapanagot ang mga salarin, upang hindi manatiling palaisipan ang pagkamatay ng isang anak na ang tanging hangad ay magkaroon ng magandang kinabukasan para sa sarili at sa kaniyang pamilya.