Lumaktaw sa nilalaman
Biyernes, 30 Oktubre 2026 30 Okt 2026
TBSTNews OnlineTotoong Balita sa Southern Tagalog
Ito ang Totoo! www.totoongbalita.com
Swertres 7-7-4
CALABARZON

Coast Guard, naglatag na ng oil spill boom sa tumagilid na barko sa Real, Quezon

May kargang tinatayang 1,300 litro ng marine diesel sa service tank ang barko.

Bagama’t natural na nagdi-dissipate o kusang kumakalat at nawawala ang marine diesel sa tubig, naglatag pa rin sila ng oil spill boom bilang pag-iingat upang maprotektahan ang mga kalapit na komunidad.Coast Guard Southern Tagalog
I-share

REAL, Quezon – Naglatag na ng oil spill containment boom ang Philippine Coast Guard (PCG) sa paligid ng MV Virgen de Peñafrancia II na tumagilid may 10 metro ang layo mula sa pantalan ng Ungos sa Real, Quezon.

May kargang tinatayang 1,300 litro ng marine diesel sa service tank ang barko.

Ayon kay PCG spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, bagama’t natural na nagdi-dissipate o kusang kumakalat at nawawala ang marine diesel sa tubig, naglatag pa rin sila ng oil spill boom bilang pag-iingat upang maprotektahan ang mga kalapit na komunidad sa posibleng kontaminasyon.

“We have directed the shipping company to apply for an Emergency Salvage Permit and undertake measures to safely remove the distressed vessel,” ayon kay Cayabyab.

Sa pahayag naman ng Starhorse Shipping Lines, sinabi nitong nakikipagtulungan sila sa PCG mula nang mangyari ang insidente.

Ayon sa Coast Guard, mabilis na rumesponde ang kanilang mga tauhan at nailigtas ang lahat ng 40 pasahero, kabilang ang dalawang sanggol, gayundin ang 18 tripulante ng barko.

Kinumpirma ng PCG at Starhorse Shipping Lines na ligtas ang lahat ng 58 pasahero at crew members.

Lulan din ng barko ang 14 na sasakyan o rolling cargo nang mangyari ang insidente.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Coast Guard Northern Quezon, sinabi ng kapitan ng barko na naputol ang mooring rope na nakatali sa pantalan dahil sa malakas na agos ng tubig.

Dahil dito, naanod nang may 10 metro palayo sa pantalan ang unahang bahagi ng barko.

Tinangka pa umano ng barko na magmaniobra pabalik sa pantalan, ngunit sumadsad ang unahang bahagi nito bago tuluyang tumagilid sa kanang bahagi.

Galing sa Polillo Island ang MV Virgen de Peñafrancia II at naghahanda na sanang magpababa ng mga pasahero nang mangyari ang insidente.

Kaugnay na Balita