Lumaktaw sa nilalaman
Sabado, 7 Nobyembre 2026 7 Nob 2026
TBSTNews OnlineTotoong Balita sa Southern Tagalog
Ito ang Totoo! www.totoongbalita.com
Swertres 2-4-1
National

Mansalay,todo-handa na sa El Niño; epekto ng tagtuyot, nagsisimula na maramdaman

Ayon kay Vice Mayor Joel Maliwanag, mahalagang matiyak ang sapat na suplay ng tubig hindi lamang para sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga residente kundi maging sa produksyon ng pagkain.

May mahigit 1,000 ektarya ng mga palayang may irigasyon sa Mansalay, Oriental Mindoro, bukod pa sa mahigit 200 ektarya ng mga sakahang umaasa lamang sa ulan.TBST News
I-share

MANSALAY, Oriental Mindoro –  Todo-handa  na ang lokal na pamahalaan ng Mansalay, Oriental Mindoro sa inaasahang epekto ng Super El Niño, kasunod ng mga unang senyales ng tagtuyot na nararamdaman na sa ilang bahagi ng bayan.

Nangunguna sa mga ikinababahala ng lokal na pamahalaan ang posibleng kakulangan sa suplay ng tubig, partikular sa irigasyon, na maaaring magdulot ng matinding pinsala sa mga pananim at kabuhayan ng mga residenteng umaasa sa pagsasaka.

Idinaos noong Huwebes ang Mansalay Integrated Resilience Forum upang paghandaan ang magiging epekto ng Super El Niño.TBST NEWS

Dahil dito, nagdaos ang munisipyo ng Integrated Resilience Forum upang bumuo ng mas komprehensibong paghahanda at pagtugon sa posibleng epekto ng matinding tagtuyot, katuwang ang mga pambansa at panlalawigang ahensya ng pamahalaan.

Ayon kay Vice Mayor Joel Maliwanag, mahalagang matiyak ang sapat na suplay ng tubig hindi lamang para sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga residente kundi maging sa produksyon ng pagkain.

“So alam naman natin pag wala tayong irrigation water, nagkulang o nawalan, wala tayong magugrow na food. So importante iyan for our survival sa mga ganitong sitwasyon na meron tayong tubig at hindi lang pambahay, hindi lang panggamit sa bahay, inumin, panga-hygiene at iba pa nating gamit sa loob ng tahanan kundi pati ang tubig na kinakailangan natin sa pagtanim,” ani Maliwanag.

Kada limang araw na mino-monitor ng Mansalay Waterworks System ang lebel ng tubig sa mga pinagkukunan upang maagapan ang posibleng pagkaubos ng suplay.

Sinabi ni Maliwanag na nagsisimula na nilang maramdaman ang epekto ng El Niño matapos makapagtala ng isang talampakang pagbaba sa lebel ng tubig ang ilang pumping station.

“Medyo nararamdaman na. Ngayon lang parang we’re getting reports from several barangays na nararamdaman na,” dagdag ng bise alkalde.

May mahigit 1,000 ektarya ng mga palayang may irigasyon sa Mansalay, bukod pa sa mahigit 200 ektarya ng mga sakahang umaasa lamang sa ulan.

Bukod sa palay, nagtatanim din ang mga magsasaka ng mais, sibuyas at iba pang high-value crops.

Bilang paghahanda sa matinding tagtuyot, hinihikayat ng lokal na pamahalaan ang mga magsasaka na magtanim ng mga pananim na hindi nangangailangan ng maraming tubig.

May mga natanggap na rin umanong ulat ng pinsala sa mga pananim na ube, kung saan may ilang lugar na halos walang maaning laman ang mga ito.

“Meron na kaming natatanggap na report katulad ng may mga– marami nagtanim dito ng ube. May mga areas din na talagang yung walang laman, yung ube. So alam namin iyon, impact na ito ng tag-init. At inaasahan namin na mas matindi ang tag-init by December,” ayon kay Maliwanag.

Nagsimula na rin ang Department of Agriculture (DA) MIMAROPA sa paghahanda ng mga resources at pagpapatupad ng mga programa para matulungan ang mga magsasaka.

Nakikipag-ugnayan din ang munisipyo sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) at PAGASA ng Department of Science and Technology (DOST) para sa patuloy na pagmomonitor sa lagay ng panahon at suplay ng tubig.

Hindi pa naman natutukoy ng lokal na pamahalaan ang eksaktong pondong kakailanganin para sa El Niño response plan habang hinihintay ang pagtatasa sa mga pondong maaaring ilaan ng pambansa, panrehiyon at panlalawigang pamahalaan.

Bukod sa sektor ng agrikultura, nangangamba rin ang lokal na pamahalaan sa posibleng epekto ng pagtaas ng temperatura ng dagat sa mga mangingisda.

Ayon kay Maliwanag, maaaring mapilitang lumipat sa mas malalim na bahagi ng karagatan ang mga yamang-dagat dahil sa pag-init ng tubig, na posibleng magpahirap sa paghahanapbuhay ng mga mangingisda.

“Siyempre apektado din ’yan dahil pag init ng temperatura sa dagat ay magtatago sa kailaliman ang mga marine resources,” aniya.

Babala ni Maliwanag, posibleng mauwi sa kakulangan sa pagkain ang sitwasyon kung hindi mapaghahandaan ang epekto ng El Niño.

Kaya bukod sa pagtatanim ng drought-resistant crops, hinihikayat din ang mga residente na gumamit ng pressurized canning o paraan ng pag-iimbak ng pagkain gamit ang presyon upang mapahaba umano nang hanggang dalawang taon ang shelf life ng mga napreserbang pagkain.

“Kung hindi tayo nakahanda, malamang magkaroon ng food shortage. I-e-encourage namin yung pagtatanim ng mga drought-resistant crops at saka pag-ano rin, pressurized canning ng mga pagkain na ang shelf life ay tumatagal ng dalawang taon para humaba man itong epekto ng El Niño ay kami naka ano, naka handa kami,” ani Maliwanag.

Dinaluhan ng mga kinatawan ng iba’t ibang pambansa, panrehiyon, panlalawigan at lokal na ahensya ng pamahalaan ang Integrated Resilience Forum na ginanap noong Biyernes upang bumuo ng mas malawak na plano sa paghahanda at pagtugon sa mga kalamidad.

Kaugnay na Balita