NAUJAN, Oriental Mindoro – Wala nang utang ang pamahalaang bayan ng Naujan, Oriental Mindoro matapos bayaran na sa Development Bank of the Philippines noong Miyerkoles, November 4,2026 ang Php 119- M na ipinagpagawa ng gusali ng munisipyo.
Ayon kay Mayor Henry Joe Teves, kinausap niya si Vice Mayor Dan Melgar ,Jr at mga department heads para bayaran na lamang ng isang bagsakan ang dapat sana ay 15 taon na utang.
“Nung naupo naman ako bilang mayor, sinikap kong bayaran na unti-unti. Ngayon may savings kami kaya nag-decide kami, sinanguni ko sa mga department head at vice mayor na bayaran na natin buo ang loan na ’yan kaysa magbayad tayo ng interest. 15 years babayaran. Ngayon, sabi ko bayaran na natin para wala na tayong problema, na malaking proyekto ang magamit ng mga kababayan ko, mga barangay, ’yong tinutubo namin.” sabi ni Teves.
Nasa Php 175-M ang kabuuang halaga na inutang ng dating administrasyon ni Mayor Mark Marcos at sinimulan bayaran pagpasok ng administrasyon ni Mayor Teves noong 2022.
Ayon kay Teves, Php 20-M kada taon ang binabayaran nila sa DBP para sa nasabing utang sa loob ng higit na apat na taon kaya nagpasaya siya na bayaran na lamang ng buo ang natitirang utang kahit may 11 taon pang natitira para magamit sa ibang proyekto ang perang matitipid.
Dahil sa maagang pagbabayad ng utang, nakatipid ang lokal na pamahalaan ng Naujan ng Php 88-M.
“yung sanang magiging interest, gagamitin na lang sa ibang project, masaya naman ako at ang bayan ng Naujan na wala nang utang na binabayaran na magagamit na namin ang mga pera sa mga proyekto o pangangaialngan ng Bayan ng Naujan” Sabi ni Teves.
Nagmula ang ipinambayan na halaga sa mga savings ng lokal na pamahalaan dahil sa dami ng mga naglalagak ngayon ng negosyo sa Naujan dulot ng malaking tiwala sa pamumuno ni Mayor Teves.
“Marami kaming negosyante na nagtitiwala sa admin now, dahil dati, ang negosyante sa amin dito na nag-aapply sa BPLO ay 1,000 mahigit lang, ngayon nagtriple, kulang-kulang 3,000 na ang mga negosyante na nagtitiwala sa amin” paliwanag ng alkalde.
Inaasahan naman lalo pang lalago ang ekonomiya ng Naujan dahil sa patuloy na pagdami ng mga negosyante.