Dalawang prestihiyosong parangal ang nasungkit ng Occidental Mindoro sa katatapos lamang na OBRA MIMAROPA 2026, patunay sa angking talento, pagkamalikhain at yaman ng kultura ng mga Mindoreño.

Kinilala ang Magnus Crafts and Charms bilang Most Creative Product 2026, habang iginawad naman sa Occidental Mindoro ang Best Bayanihan Exhibit – Cultural Identity.

Ipinakita ng lalawigan ang mga natatanging produktong lokal at kulturang Mindoreño sa nasabing aktibidad na ginanap mula Oktubre 22 hanggang 25 sa Glorietta Activity Center sa Makati City.
Ayon sa pamahalaang panlalawigan, bunga ang mga parangal ng pagsisikap ng mga lokal na negosyante, artisan at komunidad na maipakilala sa mas malawak na entablado ang mga produktong likha sa Occidental Mindoro.

Isinulong ang paglahok ng lalawigan sa pangunguna ni Governor Eduardo Gadiano sa pamamagitan ng Local Economic Development and Investment Promotion Division o LEDIPD, katuwang ang Provincial Tourism, Culture and Arts Office at Office of the Provincial Agriculturist.

Patuloy namang isinusulong ng pamahalaang panlalawigan ang pagpapalakas sa lokal na industriya, pagpapalawak ng oportunidad sa kabuhayan at pagtatampok sa kultura at identidad ng Occidental Mindoro.
Para sa lalawigan, hindi lamang pagkilala sa husay ng mga produkto ang dalawang parangal kundi karangalan ng bawat Mindoreñong patuloy na nagsusulong at nagpapayabong sa sariling kultura at kabuhayan.