BACOOR City, Cavite – Patay ang limang hinihinalang miyembro ng grupo ng mga magnanakaw matapos makipagbarilan sa mga pulis kasunod ng habulan sa Bacoor City, Cavite nitong Martes.
Ayon sa pulisya, napigilan ang umano’y planong pagnanakaw ng grupo sa bahay ng isang negosyante sa loob ng isang subdivision.
Dalawa pang suspek ang nakatakas at patuloy na tinutugis ng mga awtoridad, ayon kay Police Regional Office 4A Director Police Brigadier General Dominic Baccay.
Bandang tanghali nang makatanggap ng intelligence information ang mga awtoridad hinggil sa planong pagpasok at pagnanakaw ng grupo sa bahay ng negosyante.
Agad na nagpakalat ng mga operatiba ang Bacoor Police Station at Cavite Police Provincial Office sa loob at labas ng subdivision upang mamonitor ang mga suspek.
Ayon kay Baccay, napansin ang paulit-ulit na paglabas-pasok ng grupo sa subdivision habang minamanmanan ang target nilang bahay.
“Na-obserbahan itong grupo na ito na labas-pasok doon sa subdivision, accordingly ay minamanmanan at pinag-aaralan iyong target nilang bahay,” ani Baccay.
Ilan pa umano sa mga suspek ang nagpanggap na mga security guard upang hindi mahalata ang kanilang pagpasok at paglabas sa subdivision.
“Una nito ay napansin na rin sila ng gwardiya ng mismong subdivision na iyon. Kasi isa o dalawa dito sa miyembro nito ay nagsuot din ng suot gwardiya. So, nagpanggap din silang security guard,” dagdag niya.
Pinili umano ng grupo ang bahay ng negosyante dahil inaasahan nilang makakakuha sila ng malaking halaga ng pera at mahahalagang gamit dahil sa estado sa buhay ng may-ari.
Nauwi sa engkuwentro ang operasyon na sinundan ng habulan hanggang sa Molino 4 flyover sa Bacoor City.
Hindi pa inilalabas ng pulisya ang pagkakakilanlan ng limang nasawi at ang iba pang detalye sa naging palitan ng putok.
May mga nakuhang identification card sa lugar pero bineberipika pa kung tunay na pagkakakilanlan ng mga suspek ang mga ito.
Tinitingnan din ng mga awtoridad ang impormasyon na isa o pareho sa dalawang nakatakas na suspek ay mga dating pulis.
Iniimbestigahan din kung may kaugnayan ang grupo sa serye ng mga robbery-holdup sa Cavite, kabilang ang pagnanakaw sa isang jewelry repair shop sa General Mariano Alvarez at isa pang insidente sa Dasmariñas.
Ayon kay Baccay, hindi lamang umano pagnanakaw ang posibleng kinasasangkutan ng grupo kundi pati kidnapping for ransom, partikular ang pagdukot sa mga dayuhan upang hingan ng pantubos.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang pulisya sa iba pang police units upang matukoy ang lawak ng operasyon, mga kasapi at posibleng pagkakasangkot ng grupo sa iba pang krimen sa Cavite at Metro Manila.
“Sa nakita natin ngayong hapon, parang lumalaki nga iyong grupo. So ito ay i-account pa natin at pag-aaralan ang connection sa mga previous na mga insidenteng nangyari. Lalong-lalo na dito sa Cavite Province at saka sa Metro Manila area,” ani Baccay.