MORONG, Rizal – Nasawi ang security guard matapos siyang barilin sa ulo ng lalaking naholdap sa kaniyang binabatayan na convenience store sa Barangay Maybancal sa Morong, Rizal noong Martes ng madaling araw.
Nakunan sa CCTV footage ng convenience store ang buong pangyayari bandang 4:35 ng umaga.
Makikitan ang pagpasok ng isang lalaki na kunwaring customer bago nagdeklara ng holdap.
Lumapit ang holdaper sa kahera at nilimas ang P10,000 cash pero habang patakas ang suspek at nakasalubong siya ng biktima .
Kinompronta ang suspek ng biktima hanggang sa magpambuno ang dalawa.
Dito na binaril ng suspek sa ulo ang biktima na agad bumagsak sa sahig at nasawi,
Nabatid na dalawang buwan pa lamang na nakadestino ang biktima sa nasabing convenience store.
Tumakas ang suspek kasama ang isa pa na nagsilbing lookout.
Tukoy na ng mga otoridad ang suspek na positibong kinilala ng mga testigo.
“Nagkatitigan sila sa mukha ng suspek. Dala-dala namin yung mukha ng may mga previous na kaso. Pinakita namin yung mukha. Sabi niya, yan talaga ang bumira. Na-identify niya,” sabi ni PMaj. Edzel Macasero.
“Tukoy na yung pangalan ng isa sa suspek natin. Magpa-file kami ng kaso para makamit ang hustisya ng nasawi. Bilang guwardiya ginawa niya yung role niya as security guard. Pangako namin lalo sa kaanak ng biktima, sa establishment din sa nangyaring robbery, pangako namin na-mafile-an ng kaso nang mabilisan,” sabi ni Macasero.
Hustisya ang panawagan ng kaanak ng biktima.
“Masakit po sa amin lalo pa maliit pa masyado yung anak niya. Actually 5 months pa lang po ‘yung anak niya eh. Hindi pa niya nakasama nang matagal. Nagtatrabaho nang marangal tapos ganoon pa ‘yung nangyari. Sana po makonsensya sila at makamit namin ‘yung agarang hustisya kasi buhay ‘yung kinuha nila wala ng balikan. Sana mahuli na sila at makulong sila at mabulok na sa kulungan,” sabi ng kaanak ng biktima.
Sasampahan ng kasong robbery with homicide ang mga suspek na patuloy pang pinaghahanap.