BATANGAS City – Agaw-pansin ang isang customer na nagbihis bilang government contractor na tila kumakatawan sa kontrobersiyal na umano’y ghost project sa taunang Halloween costume event ng isang sikat na coffee shop sa Batangas City.
Dumagsa ang mga customer sa BlueMoon Philippines simula nitong Sabado, suot ang iba’t ibang nakakatakot at malikhaing costume, kabilang ang mga duguang karakter, kakaibang nilalang, multo at Grim Reaper.
Ngunit namukod-tangi ang isang kalahok na nakasuot ng kasuotang kahawig ng uniporme ng isang contractor o manggagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na tila patama sa kontrobersiya ng mga umano’y ghost flood control project.
Ayon kay Aaros Cabrera, isa sa mga may-ari ng coffee shop, nagulat din sila sa napiling costume ng customer dahil hindi nila ito inaasahan.
Nilinaw naman ni Cabrera na purong aliwan lamang ang layunin ng Halloween event at wala itong anumang politikal na agenda o mensahe.
Wala rin umanong kinalaman ang coffee shop sa pagpili ng costume ng kanilang mga customer.
Makakatanggap ng P3,000 ang mananalo sa best costume, P2,000 para sa second place at P500 gift certificate naman para sa third place.