ROMBLON – Dalawang silid-aralan ang natupok sa sunog na sumiklab sa Jose M. Solis Elementary School sa Barangay Camandag, bayan ng Looc, Romblon nitong Sabado ng hapon.
Ayon kay FO2 Pamella Perez ng Looc Municipal Fire Station, tinatayang 90 metro kuwadrado ng paaralan ang naapektuhan ng sunog.

Natanggap ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang ulat hinggil sa insidente dakong alas-2:54 ng hapon. Pitong minuto lamang ang lumipas nang makarating sa lugar ang mga rumespondeng bumbero.
KAUGNAY NA BALITA : https://romblonnews.net/2026/10/dalawang-ailid-aralan-sa-looc-romblon-nasunog/# (bagong tab)
Idineklarang kontrolado ang sunog dakong alas-3:10 ng hapon at tuluyan itong naapula alas-3:18.
Nagpahayag naman ng pasasalamat at kaginhawaan si Looc Mayor Lisette Arboleda dahil walang nasaktan sa insidente.

Patuloy na iniimbestigahan ng BFP ang sanhi ng sunog.