STO. TOMAS CITY, Batangas – Nagmistulang Halloween playground ang City Hall ng Sto. Tomas, Batangas matapos itong mapuno ng makukulay na dekorasyon, kasiyahan at tawanan sa pagdiriwang ng Halloween.
Nakiisa sa selebrasyon ang mga batang Tomasino na nagpakita ng kani-kanilang malikhain, makukulay at nakakatakot na Halloween costumes, kasama si Mayor Atty. Arth Jhun Aguilar Marasigan na nag-costume rin para sa okasyon.

Nagsagawa rin ng trick-or-treat ang mga bata sa iba’t ibang tanggapan ng city hall kung saan namigay ng mga kendi at iba pang treats ang mga empleyado.
Tampok din sa selebrasyon ang paligsahan sa pinakamalikhaing Halloween-themed office decorations at costumes na nagpakita ng talento, pagkamalikhain at pagtutulungan ng mga kawani ng pamahalaang lungsod.

Bukod sa kasiyahan, layunin din ng aktibidad na bigyang-halaga ang kapakanan ng mga empleyado at ang balanse sa pagitan ng trabaho at personal na buhay.
Naging pagkakataon din ito para makapagpahinga muna ang mga kawani mula sa kanilang pang-araw-araw na tungkulin at makasama ang kanilang mga anak at pamilya sa isang masayang selebrasyon.
