Lumaktaw sa nilalaman
Lunes, 2 Nobyembre 2026 2 Nob 2026
TBSTNews OnlineTotoong Balita sa Southern Tagalog
Ito ang Totoo! www.totoongbalita.com
Swertres 9-8-2
CALABARZON

Kilalang tao sa Batangas, 5 iba pa kinasuhan ng murder sa pagpatay kay Charles Usi

Kabilang sa mga kinasuhan ang umano’y mastermind, tatlong nagsilbing  taga-monitor sa biktima, ang gunman at ang driver ng motorsiklong ginamit sa krimen.

Kinumpirma ni San Jose Police Chief PMAJ Florencio Caisip Jr. na inihain noong Huwebes sa Batangas Provincial Prosecutor’s Office ang reklamo laban sa anim na suspek.TBST News
I-share

SAN JOSE, Batangas – Sinampahan  na ng kasong murder ang anim na suspek, kabilang ang isang kilalang personalidad sa Batangas, kaugnay ng pagpatay sa 22-anyos na working student at singer na si Charles Usi sa San Jose, Batangas.

Kinumpirma ni San Jose Police Chief PMAJ Florencio Caisip Jr. na inihain noong Huwebes sa Batangas Provincial Prosecutor’s Office ang reklamo laban sa anim na suspek.

Kabilang sa mga kinasuhan ang umano’y mastermind, tatlong nagsilbing  taga-monitor sa biktima, ang gunman at ang driver ng motorsiklong ginamit sa krimen.

Apat sa mga suspek ang kilala na ng pulisya habang dalawa pa ang nananatiling John Does o hindi pa nakikilala.

Ayon kay Caisip, natukoy ang mga suspek batay sa mga pahayag ng testigo at iba pang taong may narinig na may kaugnayan sa krimen. Love triangle umano ang tinitingnang motibo sa pagpatay, ngunit tumanggi siyang magbigay ng karagdagang detalye.

“Binase po namin yan sa mga nakuha naming statement galing sa mga tao, sa witness, sa mga nakarinig. Yun po, ganoon po, doon po namin ibinase yung kaso na yan,” ani Caisip sa panayam sa telepono.

“Basta po para sa kaligtasan ng lahat at sa privacy ng lahat, hanggang doon na lang po muna, sir, ang aking masasabi. Sabi ko nga, na-file na po yung kaso. Mag-antay na lang po tayo kung anong kalalabasan ng kaso,” dagdag niya.

Sa hiwalay na panayam, kinumpirma naman ni Batangas Police Provincial Office information officer at spokesperson PLTCOL Philip Aguilar na isang kilalang personalidad sa Batangas ang lumilitaw na nagplano sa krimen.

Batay umano ito sa salaysay ng nobya ni Usi, na nagkaroon umano noon ng relasyon sa naturang personalidad.

“Parang may malapit na tao yung suspect na nagbigay ng remarks na nakakatakot. Parang sinabi na warning sa kaniya na yung pakikipaghiwalay mo doon sa suspect ay dangerous, mapanganib,” ani Aguilar.

Alas-nuwebe ng gabi noong Oktubre 25 nang pagbabarilin ng mga riding-in-tandem suspect si Usi habang angkas sa minamanehong motorsiklo sa San Jose, Batangas.

Pauwi na umano ang dalawa mula sa isang gig sa Lipa City nang pagbabarilin sila ng mga salarin.

Limang tama ng bala ang tumama kay Usi na naging sanhi ng kaniyang pagkamatay.

Isa siyang third-year Bachelor of Arts in Communication student sa Westmead International School at nagtatrabaho rin bilang singer.

Nakaiskedyul na ilibing si Usi sa Martes.

Kaugnay na Balita