BATANGAS City – Binawi ng star witness ang kaniyang sinumpaang salaysay na nag-uugnay sa dati niyang kinakasama sa pagpatay sa kaniyang nobyong si Charles Usi, isang 22-anyos na working student sa San Jose, Batangas.
Sa supplemental sworn affidavit na isinumite sa Batangas Provincial Prosecutor’s Office at nakuha ng TBST News mula sa pamilya ng biktima, sinabi ng testigo na mali ang nauna niyang pahayag na nagdidiin sa kaniyang dating live-in partner, na inilarawan bilang isang prominenteng personalidad sa Batangas.
Aminado ang testigo na hinala at kutob lamang, at hindi konkretong ebidensiya, ang naging batayan ng kaniyang naunang mga alegasyon.
“Sa nauna kong salaysay, sinabi ko na ang kaalaman ko ay base lamang sa aking kutob at pakiramdam na hindi ko naman kayang patunayan. Hindi naman makatarungan na madungisan ang kanyang pagkatao nang dahil lamang sa ispekulasyon o mga balitang haka-haka. Maliban din dito, aking napagtanto na huwag magpadala sa kutob at haka-haka na wala namang konkretong ebidensiya na nagpapatunay na si (name ng ex-partner) nga ang may kagagawan,” ayon sa kaniyang affidavit.
Iginiit din ng testigo na wala siyang narinig na anumang pagbabanta o galit mula sa kaniyang dating kinakasama laban kay Usi, kahit nakita umano nitong tumutugtog ang biktima sa sarili nitong bar noong Hulyo 24 o 25, 2026.
Nilinaw rin niya na walang kinalaman sa krimen ang iba pang mga indibidwal na una niyang pinangalanan at idinawit sa kaniyang salaysay sa pulisya.
Ayon sa testigo, pawang hinala at espekulasyon din ang naging batayan ng kaniyang mga naunang pahayag laban sa mga ito.
Inamin din niyang naka-cool off na sila ni Usi simula Oktubre 8, 2026, bagama’t nanatili silang magkaibigan at patuloy na nag-uusap.
Hindi umano niya ito nabanggit sa unang panayam ng pulisya dahil sa matinding pagkabigla at emosyonal na paghihirap matapos ang pagkamatay ng biktima.
Dagdag pa niya, posibleng nalito siya sa mga naging panayam sa kaniya ng mga imbestigador dahil sa bigat ng kaniyang nararamdaman habang inaalala ang mga pangyayari bago at matapos ang pagpatay kay Usi.
Giit ng testigo, hindi niya direktang idinawit ang kaniyang dating kinakasama sa krimen at nagsumite lamang siya ng supplemental affidavit upang itama ang umano’y mga pagkakamali at hindi naisamang detalye sa nauna niyang salaysay.
Itinanggi rin niyang pinilit o tinakot siya upang bawiin ang kaniyang mga naunang pahayag. Aniya, nais lamang niyang magkaroon ng patas at maayos na imbestigasyon.
Kasunod ng pagbawi ng testigo sa kaniyang salaysay, kinumpirma ni PLtCol. Philip Aguilar, hepe ng Public Information Office ng Batangas Police Provincial Office, na ibinalik ng Provincial Prosecutor’s Office sa complainant ang reklamo.
Ayon sa certification ng piskalya na sinipi ni Aguilar, walang sapat na batayan upang matukoy ang pagkakaroon ng prima facie evidence at reasonable certainty of conviction.
Gayunman, nilinaw ni Aguilar na hindi tuluyang ibinasura ang kaso at maaari pang magsumite ng karagdagang ebidensiya ang complainant.
“Gusto ng fiscal’s office na dagdagan ng complainant yung ebidensya na i-offer nila doon sa filing ng case. Kumbaga parang hindi na tatayo yung kaso kasi nawala na yung witness nila. Pero hindi naman yun na-dismiss totally. Ibig sabihin, anytime pwede pa rin i-file yung kaso. 20 years bago mag-prescribe yung murder case,” paliwanag ni Aguilar.
Samantala, nagpahayag ng pagkadismaya si Wilma Usi, ina ng biktima, sa desisyon ng testigo na bawiin ang mga nauna nitong pahayag laban sa mga inireklamo sa kasong murder.
Gayunman, tiniyak niyang hindi susuko ang kanilang pamilya sa paghahanap ng hustisya para sa kaniyang anak.
Napatay si Charles matapos pagbabarilin ng mga lalaking sakay ng motorsiklo habang pauwi sakay rin ng motorsiklo noong Oktubre 25, 2026 sa San Jose, Batangas.
Una nang tinukoy ng pulisya ang love triangle bilang isa sa mga posibleng motibo sa krimen.
Ang 22-anyos na biktima ay third-year Bachelor of Arts in Communication student at nagtatrabaho bilang musikero sa mga bar at coffee shop sa Batangas upang matustusan ang kaniyang pag-aaral.