Lumaktaw sa nilalaman
Miyerkules, 4 Nobyembre 2026 4 Nob 2026
TBSTNews OnlineTotoong Balita sa Southern Tagalog
Ito ang Totoo! www.totoongbalita.com
Swertres 7-8-7
MIMAROPA

Marinduque Gov. Mel Go, naghain ng reklamo sa Ombudsman laban sa ex-vice gov., 8 board members, law firm kaugnay sa mining evironmental settlement fee

Kabilang sa mga alegasyon ang ilegal na pagkuha sa serbisyo ng law firm at paniningil umano ng labis na bayad sa abogado.

Kabilang sa mga pinangalanan sa reklamo sina dating Vice Governor Adeline M. Angeles, walong miyembro ng Provincial Board, Atty. Archivald F. De Mata at ang law firm na Salazar Enrile Defensor & De Mata Law Offices o sedaLAW.MARRY ANN DE CHAVEZ
I-share

QUEZON City –  Nagsampa ng reklamong kriminal at administratibo si Marinduque Governor Melecio Go sa Office of the Ombudsman laban sa dating bise gobernador, walong miyembro ng Sangguniang Panlalawigan at isang law firm kaugnay ng umano’y iregularidad sa ₱1.5-bilyong bayad sa abogado mula sa environmental settlement ng isang mining company.

Kabilang sa mga pinangalanan sa reklamo sina dating Vice Governor Adeline M. Angeles, walong miyembro ng Provincial Board, Atty. Archivald F. De Mata at ang law firm na Salazar Enrile Defensor & De Mata Law Offices o sedaLAW.

Nakasentro ang reklamo sa umano’y iregularidad sa pagkuha sa serbisyo ng nasabing law firm at sa pinagtatalunang 25-percent contingency fee nito, na katumbas ng 25 milyong dolyar o tinatayang ₱1.5 bilyon mula sa 100 milyong dolyar na environmental settlement ng Barrick Mining Corporation at pamahalaang panlalawigan ng Marinduque.

Kabilang sa mga alegasyon ang ilegal na pagkuha sa serbisyo ng law firm at paniningil umano ng labis na bayad sa abogado.

Inakusahan din ang mga respondent ng falsification of public documents kaugnay ng Provincial Board Resolution No. 823, Series of 2023, na umano’y nagsasaad na nagsagawa ng public bidding para sa pagpili ng law firm.

Gayunman, iginiit sa reklamo na walang kaukulang procurement records na magpapatunay na nagkaroon ng bidding, batay umano sa mga sertipikasyong inilabas ng Bids and Awards Committee at PhilGEPS.

Ipinunto rin ni Go ang umano’y panghihimasok ng mga respondent sa kapangyarihang ehekutibo ng gobernador, partikular sa paglalabas ng mga tagubilin kaugnay ng pagpapakawala ng settlement funds.

Ayon sa reklamo, nalagay pa umano sa panganib ang pondong nakalaan para sa rehabilitasyon ng kapaligiran ng Marinduque matapos maglabas ang Court of Appeals ng writ of garnishment pabor sa nasabing law firm.

Hiniling ni Go sa Ombudsman na imbestigahan ang mga posibleng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, usurpation of official functions at falsification of public documents.

Kasama ng gobernador sa paghahain ng reklamo si Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) President Arsenio “Boy” Evangelista.

Iginiit ni Evangelista na batay sa kanilang nakalap na impormasyon, walang isinagawang bidding para sa pagpili ng pribadong law firm.

“Kapag walang konsultasyon, may corruption. Nakasaad yan sa batas,” diin ni Evangelista.

Bukod sa mga kasong kriminal, kinasuhan din ng administratibo ang mga respondent dahil sa umano’y grave misconduct, grave abuse of authority, gross neglect of duty at conduct prejudicial to the best interest of the service.

Iginiit naman ni Go na kailangang mapangalagaan ang kabuuan ng settlement proceeds at matiyak na pangunahing magagamit ang pondo sa rehabilitasyon ng kapaligiran at kapakanan ng mga taga-Marinduque.

Samantala, umakyat na rin sa Korte Suprema ang usapin hinggil sa legalidad ng 25-percent contingency fee at ng writ of garnishment.

Wala pang pahayag  ang panig ng mga sinampahan ng reklamo.

Kaugnay na Balita